SAME SEX COUPLE, MAY KARAPATAN DIN TULAD NG ORDINARYONG BABAE AT LALAKI – SEN. PADILLA

NAIS ni Senador Robin Padilla na ma-institutionalize ang civil union ng same-sex couples sa Pilipinas.

Layon ng Senate bill 449 ng senador na bigyan ng patas na karapatan at pagkilala ang mga same sex couples.

Layunin din ng panukala na ibigay sa mga same-sex couples ang mga karapatan, proteksyon at pribilehiyo na ibinibigay sa mga kasal na babae at lalaki.

Kabilang sa mga requirements para sa same-sex civil union ang legal na kapasidad ng magkabilang partido na dapat ay nasa 18 anyos pareho, at hindi pa kasal; malayang binibigay ng magkabilang partido ang consent para sa kanilang civil union sa harap ng isang administering officer; dapat ang administering officer ng civil union ay otorisado; may valid license mula sa local city o municipality civil registrar na magpapatunay na kwalipikado sa civil union ang magkabilang partido; at personal appearance ng magkabilang partido sa kanilang civil union ceremony na dapat ay may at least dalawang witness sa naturang seremonya.

Samantala, bukas sina Senador Risa Hontiveros at Senador Joel Villanueva na pakinggan ang mga argumento ni Senador Robin Padilla sa kanyang panukala.

Nagpahayag ng katuwaan si Hontiveros sa pakikipagtulungan ni Padilla sa pagsusulong ng mga panukala para sa kapakanan ng LGBTQIA+ community.

Subalit iginiit na nais nilang unahin ang pagsusulong ng SOGIE Equality Bill upang matapos na ang diskriminasyon sa kanila.

Sinabi naman ni Villanueva na hindi na bago ang pagsusulong ng panukala para sa civil union ng same sex couple.

Para sa senador, suportado niya ang civil union subalit kailangan anyang malinaw na ito ay para lamang sa pagsasama ng couple at  hindi nangangahulugan ng kasal.

Binigyang-diin ni Villanueva na para sa kanya ang kasal ay ekslusibo pa rin sa pagitan ng lalaki at babae. (Dang Samson-Garcia)

Related posts

Leave a Comment