(NI KEVIN COLLANTES)
MATAPOS ang apat na buwang puspusang konstruksiyon, isinailalim na sa wakas ng Department of Transportation (DOTr) sa ‘operational dry run’ ang Sangley Airport sa Cavite.
Si Transportation Secretary Arthur Tugade mismo ang nanguna sa pag-iinspeksiyon at pangangasiwa sa naturang aktibidad na isinagawa kahapon ng umaga, bilang pagtalima sa naunang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tiyaking mabubuksan na ang naturang paliparan sa Nobyembre 2019.
Nabatid na isang flight ng Cebu Pacific ang matagumpay na lumapag sa Sangley bilang bahagi ng naturang naturang operational dry run.
Matatandaang noong Hunyo 2019 ay lumang skeletal structure pa lang ang nakatayo sa Sangley Airport, halos wala rin itong laman, baku-bako ang runway at ang mga kalsada sa airport compound.
Ipinag-utos naman ng Pangulo na madaliin ang konstruksyon sa Sangley upang makatulong sa pag-decongest sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kaagad namang ipinag-utos ni Tugade ang 24/7 construction sa military air base, kumuha ng karagdagang manpower at kagamitan upang mapabilis ang pagtatayo ng mga karagdagang pasilidad.
“Ngayon, makalipas ang apat na buwan, sumasabak na sa ‘Operational dry run’ ang Sangley Airport,” pagmamalaki naman ng DOTr.
Nabatid na ang naturang dry run ay naisagawa ng DOTr, na mas maaga sa Nobyembre, na siyang itinakdang palugit ng Pangulo upang makapaghatid ang paliparan ng general aviation at turboprop cargo operations.
Iniulat ng DOTr na kumpleto na ang asphalt overlay at clearing ng dulo ng runway, reblocking ng concrete pavement, installation ng dalawang pump kabilang na ang drainage system, konstruksyon ng ramp, at site development kasama ng Portland Cement Concrete Pavement (PCCP), landscaping at streetlight installations, gayundin ang konstruksyon ng access road, installation ng CCTV Surveillance System, counter, weighing conveyor, meteorological equipment setup, at mobilization ng dalawang modernong fire trucks.
Finishing works na lamang umano sa ilang bahagi ang hinihintay at magiging ‘100% complete’ na ang naturang paliparan.
Kumpiyansa ang DOTr na sa sandaling mailipat sa Sangley ang general aviation at turboprop cargo operations ay mas makaluluwag na ang NAIA.
Nabatid na ang operational dry run ay isinagawa ng DOTr, sa pakikipagtulungan ng Civil Aviation Authority of the Philippines, Manila International Airport Authority, Office for Transportation Security, Civil Aeronautics Board, Philippine Navy, Philippine Air Force, Philippine Ports Authority, Philippine Coast Guard and the Land Transportation Franchising and Regulatory Board, bilang paghahanda sa inagurasyon ng paliparan.
Kabilang din sa mga sumaksi sa aktibidad sina DOTr Undersecretary for Finance Garry De Guzman, Undersecretary for Aviation and Airports Manuel Antonio Tamayo, Assistant Secretary for Railways and Mindanao Projects Eymard Eje, Assistant Secretary for Maritime Lino Dabi, Assistant Secretary for Procurement and Project Implementation Giovanni Lopez, Assistant Secretary for Legal Affairs Mark Steven Pastor, Assistant Secretary for Special Concerns Manny Gonzales, CAAP Director General Jim Sydiongco, CAB Executive Director Carmelo Arcilla, PPA General Manager Jay Sanitiago, OTS Administrator Raul Del Rosario, CIAC President and CEO Jaime Melo, MARINA Administrator Narciso Vingson, LTFRB Chairman Martine Delgra III, at Air Force, Navy and Coast Guard officials.
353