MAS pinalawak ang isinasagawang paghahanap sa nawawalang Cessna plane sa lalawigan ng Isabela kasabay ng pagkilos ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno na tumutulong sa search and rescue operation para sa anim na sakay ng eroplano.
Nilawakan ng Philippine Air Force ang ginagawang aerial search sa kalapit na mga bayan mula sa bisinidad kung saan iniulat na nawawala ang Cessna plane na may sakay na anim katao.
Habang ang mga tauhan ng Philippine Army Northern Luzon Command na nasa ilalim ng pamumuno ni Major General Fernyl G. Buca, ang kauna-unahang Philippine Air Force Officer na itinalagang Defender of the North commander, ay pinakilos ang kanyang mga tauhan katuwang ang lokal na pamahalaan ng Maconacon at Divilacan kasama ang Bureau of Fire Protection, at Philippine National Police sa paggalugad sa kabundukang sumasaklaw sa ilang bayan.
Kinumpirma rin ng Civil Aviation of the Philippines (CAAP) na hinahalughog na rin ng rescuers ang iba pang bayan sa Isabela kaugnay ng nawawalang Cessna plane.
Katunayan, kumikilos na rin ang Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at gumagamit na ng mga drone para galugarin ang iba pang bayan sa Isabela para matukoy ang eksaktong kinalalagyan ng eroplano.
Ayon sa CAAP, bukod sa Maconacon ay sentro na rin ng search and rescue operations ang bayan ng Divilacan sa Isabela na siyang bayan na pinakamalapit sa Maconacon Airport kung saan lalapag sana ang nawawalang eroplano.
Kinumpirma rin ng CAAP na may isang magsasaka sa lugar ang nagkumpirma na may nakita siyang “aircraft in distress”. (JESSE KABEL RUIZ)
