HINDI napigilan ng ilang netizens na punahin ang paraan ng pagtatanong at pagtutok ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa umano’y ‘lovelife’ ng dalawa nilang resource person sa pagdinig kahapon.
May mga nagsabi na pang-showbiz lang talaga si Estrada at ginawa nitong showbiz talk show ang Senado sa mga patutsada nito kina dismissed mayor Alice Guo at Sual Mayor Liseldo Calugay.
Sa pagdinig, kinumpirma ni Calugay ang naunang pahayag ni Guo na magkaibigan lamang silang dalawa at inamin na kapwa sila nagtulungan sa pangangampanya ng bawat isa.
Sinita naman ni Estrada si Calugay kaugnay sa hindi nito pagdalo sa nakaraang pagdinig dahil sa kanyang dengue.
Subalit nagpakita si Estrada ng isang larawan na nakikipag-inuman ang alkalde sa isa pang opisyal na ayon naman kay Calugay, naganap iyon bago ang kanyang pagkaka-dengue.
Isang affidavit naman ang ipinakita ni Senador Risa Hontiveros na naglalaman na ang staff ni Calugay ang nag-ayos ng pagpapanotaryo ng counter affidavit ni Alice Guo kay Atty. Elmer Galicia noong mga panahon na wala na sa bansa ang sinibak na alkalde.
Sa affidavit, binanggit na ang dokumento ni Alice Guo ay pinanotaryo ng mga tauhan nito na sina Kath Salazar at Gee Pepito.
Samantala, inilabas din ng mga senador ang mga dokumento kaugnay sa 15 aqua farm na posibleng negosyo ni Calugay.
Subalit ang nadiin sa mga dokumento ay ang executive assistance ni Calugay na si Sheryl Medina dahil siya ang nakalagay na owner sa D Aqua Farm na may 15 units.
Ilang beses na pinaalalahanan ng mga senador si Medina na siya ay nanumpa na magsasabi ng totoo dahil sa tingin nila ay hindi ito nagsasabi ng totoo.
May ipinakita ring larawan si Estrada sa pagbibigay ng bouquet of roses ni Calugay kay Alice Guo para imbitahan itong dumalo sa kasalang bayan. (DANG SAMSON-GARCIA)
31