BUBUKSAN ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ang Assistance to Youth and Unemployed for Development and Advancement o AYUDA program nito sa lahat ng adults kabilang na ang senior citizens.
Layon ng proyekto na tulungan ang 10,000 manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
“‘Yung mga at least 18 years old na meron nang sapat na karunungan sa pagtanggap ng [mga] instruksyon,” ayon kay DPWH Acting Secretary Roger Mercado bilang tugon sa tanong kung sinu-sino ang mga kwalipikado sa “AYUDA” program.
“Maski senior citizen na mga 60, basta, kaya pa, [tutulungan] natin,” dagdag na pahayag nito.
Ang magiging trabaho aniya ng mga ito ay street sweepers, street signs cleaners, garbage collectors o basurero; o nagpipintura ng concrete barriers, kung saan ang ang magiging sahod ay ₱550 kada araw.
Ang mga benepisaryo ay ikukonsiderang Job Order workers o iyong mayroong “intermittent or emergency jobs.”
Ang AYUDA program ay ipatutupad ng 16 regional offices at 189 district engineering offices ng DPWH sa buong bansa. (CHRISTIAN DALE)
80