Session cancelled – Quadcom KAMARA HAHARAPIN NA NI DIGONG

INANUNSYO kahapon ni dating presidential spokesperson Salvador Panelo na pupunta ngayong araw (Miyerkoles) si dating pangulong Rodrigo Duterte sa Batasang Pambansa upang komprontahin ang House quad committee ukol sa mga kontrobersyang ibinabato laban sa kanya.

Sa ulat ng ABS-CBN, kinuwestiyon ni Panelo ang pagkansela ng quad comm sa pagdinig ngayong araw para ilipat sa Nobyembre 21, 2024 dakong 9:30 ng umaga.

“Why after demanding his presence and accepting their invitation and coming here last night, they will just cancel it without prior notice?” ani Panelo.

“He will ask them to schedule a marathon hearing of ten days,” dagdag pa niya.

Walang Naduduwag Kay Digong – BARBERS

“Walang naduduwag dito.”
tugon naman ito ng lead chair ng Quad committee matapos palabasin umano ng ilang vlogger na naduwag ang mga kongresista dahil kinansela nila ang pagdinig ngayong November 13, gayong nagpasya na ang dating pangulo na dadalo na ito.

Sa press conference kahapon, sinabi ni Barbers na linggo pa lang ay nagpasya na ang Quad Comm na ipagpaliban ang pagdinig sa November 21 dahil may mga inimbitahang witness ang kailangang mag-execute aniya ng affidavit.

Dahil dito, pinadalhan ng notice of cancellation ang mga inimbitahang resource person kasama na ang abogado ni Duterte na si Atty. Martin Delgra III sa pamamagitan ng e-mail dakong alas 10:35 noong Lunes, November 11.

“Wala naman hong nagsabi sa amin na may a-attend na sa Wednesday because as early as yesterday we have already sent out cancellation notices kaya wala namang ano, nagulat lang kami ngayon na meron palang gustong umattend,” ani Barbers.

Maliban dito, sa vloggers lamang umano nalaman ng mga mambabatas na dadalo si Duterte at walang pormal na kumpirmasyon ang natanggap ng komite mula sa abogado nito na si Delgra hinggil sa imbitasyon na ipinadala noong November 10.

Lumabas ang isyung dadalo si Duterte sa Quad Comm pasado alas-10 ng gabi ng November 11 kaya naniniwala si Zambales Rep. Jay Khonghun na propaganda lamang ito ng kampo ng dating pangulo.

“Wala naman talagang direct statement ang ating former president na darating siya ay tingin ko, tingin namin propaganda lang iyung lumalabas ngayon sa internet, sa social media na darating siya,” ani Khonghun.

Ayon sa mambabatas, hindi pa nabubuo ang Quad Comm ay inimbitahan na ni House committee on justice chair Bienvenido Abante Jr., si Duterte na nagsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa extra-judicial killings (EJK).

Bukod dito, naka-10 hearing na aniya ang Quad Comm kung saan bawat pagdinig ay inimbitahan si Duterte subalit ayaw nitong pumunta kaya duda ang mga ito na kung kailan kinansela ang ika-11 hearing ay saka ito pupunta.

“Gusto rin naming dumating siya dahil pinagbantaan nga niya iyong mga Congressmen na sabi niya sisipain daw niya, eh wala namang virtual kick, ‘di ba. So mas maganda sana na dumating siya dahil willing naman si Chair Dan (Fernandez) na magpasipa sa former president,” dagdag pa ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

61

Related posts

Leave a Comment