SHOW CAUSE ORDER SA LGUs

DILG-OFFICE-2

Sa lalabag sa ‘no window hours’ ng DILG

HINDI palalagpasin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na opisyal na pinapayagan pa rin ang window hours sa mga residenteng mapilit na bumalik sa danger zone.

Ayon kay DILG-Calabarzon Director Elias Fernandez, malinaw ang deklarasyon ng DILG na bawal nang pabalikin ang mga residente sa danger zone lalo na’t patuloy ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal na nakataas pa rin sa Alert Level 4.

“If the local chief executives concerned refuse to heed the advisory coming from the DILG, we will issue them show cause orders,” ani Fernandez.

Nauna nang sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang mga komunidad na nasasakop ng 14-kilometer radius mula sa main crater ng Taal Volcano ay delikadong maapektuhan ng volcanic tsunami, ballistic projectiles, at base surge kapag nangyari na ang mapanganib na pagsabog ng bulkan.

Samantala, pinagpapaliwanag ng DILG si Talisay, Batangas Vice Mayor Charlie Natanauan matapos hikayatin ang kanyang mga nasasakupan na bumalik sa kani-kanilang bahay sa kabila ng peligro.

Nauna nang binanatan ni Natanauan si PHIVOLCS officer-in-charge Undersecretary Renato Solidum dahil sa pagpapalayo sa mga residente sa kanilang mga bahay at kabuhayan.

Sinabi ni Fernandez na iimbestigahan ng DILG ang insidente at ang posibleng paghahain ng kaso laban sa bise alkalde.

NEGOSYO BUKAS MULI

Dumistansiya naman ang DILG sa mga pasaway na may-ari ng mga establisimyento at negosyo sa Tagaytay na nanawagang hayaan na silang magbukas.

Ayon sa pamunuan ng DILG, nasa lokal na pamahalaan ng Tagaytay ang desisyon kung papayagang makapagbukas ang mga negosyong matatagpuan sa Taal Ridge.

Ito ay sa gitna ng nakaambang banta na maaring pumutok ang bulkan habang abala pa rin sila sa paglilikas ng mga tao sa may walong barangay sa tinatayang nasa 200 evacuation center sa  loob pa rin ng walong barangay na kailangang ilikas.

“Si Sec. [Eduardo] Año kahapon nagsabi okay, kung nasa ridge naman, sige pahintulutan na ng LGU but the accountability is with the local government unit,” sabi ni Jonathan Malaya, tagapagsalita ng DILG. JG TUMBADO, JESSE KABEL

146

Related posts

Leave a Comment