SIM REGISTRATION LAW PAAAMYENDAHAN

NAIS ni Senador Sherwin Gatchalian na paamyendahan ang SIM Registration Law sa gitna ng patuloy na malawakang paggamit ng SIM card sa pandaraya at pang-i-scam.

Kasama sa nais maisulong ng senador ang pagkakaroon ng limitasyon sa bilang ng mga pinapayagang SIM na maaaring irehistro sa bawat user at pagre-regulate ng Short Message Service (SMS) marketing, promotional, political o fundraising na ipinadadala sa pamamagitan ng mga SIM.

Binigyang-diin ni Gatchalian na kailangan ding matukoy ang mga indibidwal o organisasyon na nagbibigay-daan sa paggamit ng mga rehistradong SIM sa mga ilegal na operasyon ng POGO.

Ito ay upang matulungan ang mga mambabatas na suriin at palakasin ang mga kaugnay na batas at patakaran, kabilang ang posibleng mga amendment sa SIM Registration Law.

Dapat lang anyang protektahan ang ating mga kababayan mula sa anomang pinsalang dulot ng mga mapanlinlang na aktibidad ng mga cybercriminal, kabilang na ang mga operasyon ng POGO na nagsisilbing mga scam hub upang gumawa ng mga krimen.

May posibilidad anya na maglipana pa rin ang mga POGO nang patago sa kabila ng ganap ng pagbabawal dito.

Sa kabila ng pagsasabatas ng Sim Registration Act ay marami pa ring mga natutuklasang nakarehistrong SIM, cellphone, computer, at pocket Wi-Fi device, lalo na sa mga operasyon ng POGO na sangkot sa iba’t ibang anyo ng online scam, tulad ng mga love scam at cryptocurrency scam. (DANG SAMSON-GARCIA)

78

Related posts

Leave a Comment