HABANG hindi pa kaya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na proteksyunan ang sambayanang Pilipino laban sa hackers, kailangan suspendehin ang SIM card registration.
Ito ang iginiit ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel sa gitna ng sunod-sunod na cyber attack sa mga ahensya ng gobyerno kabilang ang Kongreso.
“Kailangang itigil muna ang sapilitang pagkuha ng online data ng mamamayang Pilipino through SIM card registration. Matapos ang serye ng mga data hack, hangga’t di naipapakita ng Marcos Jr. admin na kaya nitong tiyakin ang cybersecurity ng ating bansa, hindi dapat ipagkatiwala rito ang anomang dagdag na data ng mamamayan,” ani Manuel.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang SIM Card registration subalit lumalabas na mahina umano ang cybersecurity sa bansa dahil kayang-kaya ng hackers na atakehin ang mga website ng mga ahensya ng gobyerno.
Ipinaliwanag ng mambabatas na halos lahat sa mga SIM card ay konektado sa social media accounts, messaging apps at online banking at may sensitibong personal data aniya ito ng mga Pilipino kaya delikadong mapasakamay ito ng masasamang loob.
“Dapat mapalakas ang data protection mechanisms ng pamahalaan, at susi rito ang pagsuporta sa ating homegrown IT specialists. Malinaw na kailangan ito, at hindi na dapat gawing confidential ang pondo para rito,” ayon pa sa mambabatas.
Samantala, naibalik na ang website ng Kamara matapos atakihin ng nagpakilalang 3 Musketerz noong Linggo.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, magdadagdag ang mga ito ng security measures upang proteksyunan ang website ng kapulungan.
(BERNARD TAGUINOD)
Senate website tinangkang i-hack
Kaugnay nito, kinumpirma ng liderato ng Senado na nagkaroon din ng pagtatangkang atakihin ang website ng Senado noong araw na mabiktima ng cyber attack ang website ng Kamara.
Ayon kay Senate Secretary Renato Bantug, nang malaman nila ang hacking incident sa Kamara ay agad na nilang inalerto ang kanilang Information Technology team at nagtuloy-tuloy ang kanilang monitoring.
Tiniyak naman ng opisyal na naglagay na sila ng perimeter at application wall sa Senate website subalit patuloy pa ang adjustments ng kanilang technical team.
Sa ulat anya sa kanya ng kanilang IT team, noong Linggo ay tumaas ang pagtatangkang pag-atake sa kanilang website.
Sinabi ni Bantug na sa panahon ngayon ng modernong teknolohiya ay nagiging karaniwan na ang mga pagtatangkang mapasok ang website subalit patuloy naman ang kanilang pag-aadjust sa kanilang seguridad.
Samantala, gagamitin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang confidential funds nito para maglagay ng firewall at sanayin ang cybersecurity experts.
Muli kasing inilaan ng House panel ang P300 million sa confidential funds sa panukalang budget ng DICT sa intelligence agencies. Mananatili namang inilaan ng DICT ang P25 million mula sa alokasyon para sa Maintenance and Other Operating Expenses.
Sa isang panayam, sinabi ni DICT spokesperson Renato Paraiso na kailangan ng departamento na makabili ng kagamitan para sa serbisyo na hindi inilalathala ang detalye gaya ng nakasaad sa public procurement law.
Ani Paraiso, ipinanukala ng DICT ang paglikha sa “initial firewall that would sort of filter the traffic coming to the Philippines to prevent foreign threat actors.”
Aniya pa, ang cybersecurity threats ay hindi lamang lokal dahil ang Medusa attack sa PhilHealth ay nagmula sa ibang bansa at kailangan lamang na protektahan ng Pilipinas ang sarili nito mula sa foreign attack.
(May dagdag na ulat sina DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)
121