(NI KEVIN COLLANTES)
MAGANDANG balita dahil mababawasan ng mahigit 27 sentimo kada kilowatt hour (kwh) ang bayarin ng mga consumers ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong Mayo.
Ayon sa Meralco, ang pagbaba ng kanilang singil ng kabuuang P0.2728/kwh ay dulot nang malaking bawas sa singil sa generation charge, suplay ng mga kakontratang planta, transmission charge at iba pang mga buwis.
Ipinaliwanag pa ng Meralco na bagamat P3.53/kwh ang itinaas ng presyo sa spot market ay na-offset naman ito nang mas mababang rate ng Independent Power Producers (IPPs) at Power Supply Agreement (PSA).
Ayon sa Meralco, ang bawas-singil ay nangangahulugan ng P55 na bawas sa bayarin ng mga tahanang kumukonsumo ng 200kWh kada buwan; P82 naman ang matitipid ng mga nakakagamit ng 300kwh kada buwan; bawas na P110 sa bayarin ng mga tahanang nakakakonsumo ng 400kwh kada buwan at P136 namang tipid sa mga consumer na gumagamit ng 500kwh kada buwan.
Bunsod naman ng naturang pagbaba sa singil, nabatid na umaabot na lamang sa P10.2866/kwh ang overall electricity rates ngayong buwan, kumpara sa P10.5594/kwh noong nakaraang buwan.
215