Sinisi sa paglala ng tensyon POLISIYA NI BBM SA WPS ‘DI EPEKTIBO

roque

(CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL RUIZ)

HINDI epektibo ang polisiya ng administrasyong Marcos sa West Philippine Sea (WPS) kaya lumalala ang tensyon, ayon kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque.

Reaksyon ito ng dating tagapagsalita ni former President Rodrigo Duterte kasunod ng engkwentro ng tropa ng pamahalaan at Chinese Coast Guard sa Ayungin Shoal.

Kinuwestyon din ni Roque kung bakit navy ang ipinadala sa resupply mission na tila aniya nagpapahiwatig ng pagsuong ng Pilipinas sa giyera.

Sa isang pahayag, sinabi naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi gagamit ang Pilipinas ng puwersa o pananakot para makapagdulot ng pinsala sa gitna ng tensyon sa WPS.

“In the performance of our duties, we will not resort to the use of force or intimidation, or deliberately inflict injury or harm to anyone,” ayon kay Pangulong Marcos sa isinagawang Talk To Troops sa Western Command Headquarters sa Camp General Artemio Ricarte sa Puerto Princesa City, Palawan.

Binisita ni Pangulong Marcos ang Western Command headquarters, isang linggo matapos magsagawa ang Philippine forces ng rotation and reprovisioning (RORE) mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa WPS kung saan nangyari ang agresibong aksyon mula sa China Coast Guard.

Pinuri naman ni Pangulong Marcos ang 80 sundalo na nagkaroon ng bahagi sa June 17 RORE mission.

Maging ang Taiwan ay kinondena ang ginagawa ng China na nagpapataas umano ng tensyon sa rehiyon dahil sa mga mapangangib nitong pagkilos laban sa Pilipinas.

”#Taiwan condemns violence, opposes attempts to forcefully alter the status quo & calls for peaceful dispute resolution & respect for international maritime law,” post sa X (dating Twitter) ng Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan.

Pagsasapubliko ng RoRe tinabla

Samantala, ibinasura ni Marcos Jr., ang rekomendasyon ng National Maritime Council (NMC) na isapubliko ang schedule ng mga resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Defense Secretary Gibo Teodoro, ang desisyon ng Pangulo ay kasunod ng pagbisita nito sa Western Command at pakikipag-usap sa mga sundalong kasama sa RoRe mission.

Nanindigan aniya si Pangulong Marcos na hindi natin kailangang humingi ng permiso sa ibang bansa hinggil sa pagganap ng ating tungkulin sa Pilipinas.

Tuloy-tuloy rin aniya ang gagawing RoRe mission sa BRP Sierra Madre at hindi rin magbabago ang mga polisiya ng Pilipinas pagdating sa West Philippine Sea.

Naninindigan aniya ang Pangulo na patuloy na hahanap ang pamahalaan ng mapayapang solusyon para resolbahin ang isyu sa West Philippine Sea.

43

Related posts

Leave a Comment