SOCIAL AMELIORATION NG SENIORS SA MAYNILA ‘HINOSTAGE’

TINAWAG na “hostage” ni Manila mayoral bet Atty. Alex Lopez ang social amelioration allowance ng senior citizens at food packs ng Manilenyo.

Ayon sa pambato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa Maynila, ang hakbang na ito ng kampo ni presidential bet Francisco “Isko” Moreno ay para sikilin o gipitin ang mga Manilenyo.

Sa kanyang talumpati sa ginanap na grand proclamation rally ng UniTeam sa Sampaloc na dinaluhan ni presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., binigyang-linaw ni Atty. Lopez na maganda ang hangarin niya sa pagsasampa ng petition for immediate release sa tanggapan ni Mayor Isko at ng Comelec dahil nais nitong agarang maipalabas ang P500 kada buwan na allowance ng mga lolo at lola.

Kung tutuusin, karampot lang aniya ito kumpara sa sweldo ng isang ghost employee na naka-payroll sa city hall.

Umapela si Atty. Lopez ng lubos na pang-unawa mula sa Manilenyo dahil sa garapalan aniyang panlilinlang sa taumbayan ng Team Asenso.

Kamakailan, sinisi ng kampo ni Isko ang grupo ni Atty. Alex sa pagkaantala ng allowance ng senior citizens.

Paliwanag pa ni Atty. Lopez, malinaw ang nilalaman ng kanyang liham sa tanggapan ni Moreno na kung may malasakit ito sa kanyang constituents, gagawin nila ang agarang aksyon para mapabilis ang pamamahagi ng ayuda sa Manilenyo. (JULIET PACOT)

101

Related posts

Leave a Comment