(NI NOEL ABUEL)
HINDI kakailanganin ang presensya ng Solicitor General sa gagawing court proceedings sa kontrobersyal na divorce bill na nakahain sa Senado.
Ito ang sinabi ni Senador Risa Hontiveros kung saan tanging ang korte na lamang aniya ang magdedesisyon kung matutuloy ang pagpapawalang bisa ng kasal sa pamamagitan ng diborsyo.
“Wala na yung SolGen sa proseso ng dissolution of marriage, dahil kung sa estado, nandiyan naman ang mga korte, sila ang magpapatupad ng batas na ito,” sabi ni Hontiveros sa isang panayam sa radyo.
“Sila ‘yung talagang mag-a-appreciate ng facts of the case o ng application for dissolution of marriage, sila ang magtitimbang sa kung anong magiging desisyon sa kasal ng mag-asawa,” dagdag pa nito.
Inihalimbawa pa nito na sa nakaraang pagdinig ng Senado ay binanggit ng mga inimbitahang bisita na inamin ng mga ito na nagiging sagabal ang OSG sa isinasagawang annulment proceeding.
“Nagkwento nga ‘yung isang resource person noong hearing na pagkatapos ng mahabang panahon at gastos sa panig niya, at nabigyan na siya ng annulment ruling, biglang pumasok ang SolGen at kumontra doon. Kaya talagang naloka siya. Bakit parang itong isang office, isang official, wala naman sa loob ng aming kasal, siya ngayon ay mas may karapatang magdesisyon dito kesa sa aming mag-asawa o kesa pa sa korte?” ayon pa kay Hontiveros.
152