Solon: Agri-smugglers hindi masawata PBBM DAPAT MANAGOT SA KAPALPAKAN NG DA

(BERNARD TAGUINOD)

DAPAT panagutin ang Department of Agriculture (DA) na pinamumunuan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa walang habas na pagpasok ng big-time onion smugglers.

Pahayag ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas dahil mistulang nagsasamantala umano ang mga smuggler habang puro biyahe ang inaatupag ng Pangulo.

“Habang puro biyahe palabas ang DA chief natin, todo pasok naman ang smuggled at misdeclared onions,” ayon sa mambabatas dahil ngayong Enero 2023 pa lamang ay nakapagtala na ng 18 kaso umano ng smuggling ng sibuyas, carrots at iba pang produktong agrikultura, kung ang datos ng Bureau of Customs (BOC) ang pagbabasehan.

Masyadong mataas umano ang bilang na ito kumpara sa 53 kaso na naitala noong 2022 kaya para sa mambabatas ay nagpipista ang smugglers dahil hindi nakapokus ang Pangulo sa DA.

Hindi lang customs aniya ang dapat kwestyonin “kundi ang mga susing opisyal sa Department of Agriculture. Nung nakaraang taon, umabot na sa 53 onion smugglers ang nakapasok sa bansa at hinayaan lamang ito”.

“Sino ang kumita? Lumalabas sa datos na halos lahat ng kumpanyang sangkot dito ay galing Tsina. Masusing imbestigasyon ang dapat atupagin ng gobyerno hindi pag-aangkat,” ayon pa sa lady solon.

Samantala, hinamon naman ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairman emeritus Rafael Mariano si Marcos na habulin at kasuhan ang mga smuggler kung nais nitong matigil ang smuggling activities na pumapatay sa mga magsasaka at nagsasamantala sa consumers.

Ginawa ng dating mambabatas ang hamon dahil wala aniyang nakakasuhan na smugglers na nagpapalakas sa loob ng mga ito dahil alam nilang hindi sila mapapanagot.

“Mga lumang pangalan ng smugglers na naman ang lumabas — sina Leah Cruz, Manuel Tan, Jun Diamante, Andrew Chang. Mayroon pa mga bagong pangalan — sina Mike Ma, Gene Ang, at Beverly Peres. Walang nahuhuli at nakakasuhan,” ayon pa kay Mariano.

P44-B lugi sa buwis

Samantala, bagama’t nababawasan oil smuggling dahil sa fuel marking program ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal ng Revenue (BIR), marami pa rin ang oil smuggling kaya nawawalan ng hanggang P44 billion buwis ang gobyerno taon-taon.

Dahil dito, pinakikilos ng mag-amang mambabatas na sina Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing ang Kongreso na gamitin ang kanilang oversight function upang tuluyang matigil ang oil smuggling.

Sa House Resolution (HR) 696 na inakda ng mag-amang mambabatas, inatasan ng mga ito ang House ways and means committee na magpatawag ng imbestigasyon upang alamin kung ano pang kailangang magawan ng batas upang matigil ang smuggling activities sa mga produktong petrolyo.

Hindi aniya maitatanggi na kumikilos ang gobyerno sa pamamagitan ng BOC at BIR para matigil ang oil smuggling.

Inihalimbawa nito ang pag-iimplementa ng fuel marking program sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na dahilan kaya nagkaroon ng karagdagang buwis na umaabot sa P432.3 Billion mula September 2019 hanggang June 2022 at napigilan ang pagpasok ng 9 billion liters unmarked fuel mula Enero hanggang Hunyo 2022.

“Despite the implementation of the fuel marking program, estimates from the Philippine Institute of Petroleum show that the Philippine Government still incurs roughly Php 44 Billion in annual revenue losses from unabated smuggling activities throughout the country in the deregulated downstream oil industry,” ayon sa resolusyon.

18

Related posts

Leave a Comment