SOLON KINA AYALA AT PANGILINAN: MAY KONSENSYA PA BA KAYO?

Rep Eric Yap-3

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI mawari ng isang mambabatas kung mayroon pa bang konsensya ang mga Ayala at si Manny V. Pangilinan dahil sa panlalamang umano ng mga ito, hindi sa gobyerno kundi sa taumbayan.

Ginawa ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap ang nasabing pahayag kasunod ng natuklasang paghahakot ng pera ng mga Ayala at Pangilinan sa kontratang pinasok ng mga ito sa Light Rail Transit (LRT).

“Mr. Ayala at Mr. Pangilinan, hindi ko alam kung anong puso at konsensya ang meron kayo para lamangan nang husto ang gobyerno dito,” ani Yap, kaugnay ng kontratang pinasok ng LRMC Consortium na pag-aari ng Ayala at Pangilinan sa gobyerno para patakbuhin ang LRT.

Ayon sa mambabatas, tulad ng water concession agreement na pinasok nina Pangilinan at Ayala, “onerous” umano ang kontrata sa pagitan ng gobyerno at LRMC Consortium dahil pinagkakitaan lamang ito ng dalawang nabanggit na negosyante.

Ito ay dahil kumita na ang mga ito sa loob lamang ng apat na taon o mas malaki na ang naipon ng mga nito kumpara sa binayaran nilang concession fee sa gobyerno base sa idineklara umano nilang gross revenue.

Hindi binanggit ni Yap kung magkano ang idineklarang gross revenue ng LRMC subalit lalong kikita ang mga ito sa nasabing kontrata dahil 32 taon ang ibinigay ng gobyerno sa kanila at maaari pa nilang palawigin ng 50 taon.

“Apat na taon pa lang yan and this agreement will cover a 32-year period. They have exclusive rights for 32 years and it can extend to 50 years. Imagine that. Nakakagalit at paulit-ulit kong iniisip kung bakit tayo pumasok sa ganitong kontrata,” ani Yap.

Isa ito sa ikinagalit ni Pangulong Rodrigo Duterte kina Ayala at Pangilinan na siyang nagpapatakbo naman sa water distribution service ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Ang nasabing kontrata ay pinirmahan noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kaya maghahain umano ng resolusyon si Yap upang imbestigahan ito at mapanagot ang mga dapat managot.

“Dapat ay mapanagot din ang mga government official na gumawa, nag-review at nag-approve nito dahil hinayaan ninyo na ang mga kababayan natin ang dehado sa agreement na ito,” ani Yap.

262

Related posts

Leave a Comment