(NI BERNARD TAGUINOD)
NAGAGAMIT na ngayon ang mga leksiyong iniwan ng super typhoon Yolanda noong 2013 sa mga bagyong dumarating sa bansa tulad ng pinakahuli na si Ursula na nanalasa sa Visayas region noong araw ng Pasko.
Ginawa ni Leyte Rep. Martin Romualdez ang pahayag dahil hindi umano naging malala ang pinsala ng kanilang lugar sa bagyong Ursula hindi tulad noong panahon ni Yolanda.
“We have learned much from Yolanda, especially in terms of preparedness and immediate response. This is probably the reason why the damage has been kept to a minimal, and early recovery is faster than it used to,” ani Romualdez.
Magugunita na pinadapa ng super typhoon Yolanda ang Tacloban City at mga karaniwang lalawigan kung saan libu-libo ang namatay bukod sa mga ari-ariang winasak ng pinakamalakas na bagyong dumating sa bansa noong 2013.
“Thanks to the lessons of Yolanda, LGUs and local residents were more prepared. Generally, the people cooperated with the preemptive evacuation, despite the typhoon making a landfall on Christmas Eve,” ayon sa House majority leader.
Sa susunod na dalawang araw aniya ay maibabalik na ang elektrisidad sa Leyte at nagsimula ang relief operations upang matulungan ang mga biktima ni Ursula na itinuturing na pinakamalakas na bagyo ngayong 2019 sa bansa.
Nangako rin si Romualdez na sa pagbalik ng mga mambabatas sa kanilang trabaho sa Enero 20 ay pagtitibayin na ng tuluyan ang Department of Disaster Resilience (DDR).
Ang nasabing panukala ay lumusot na sa committee level at aprubado na ng House appropriaton committee ang pondo para sa nasabing ahensya na ang pangunahing trabaho ay paghandaan ang mga parating na kalamidad at tulungan ang mga biktima.
“This (Ursula) incidents highlight the need for a focused government agency in-charge of disaster management. Preparing and responding to the typhoon would have been easier if a single agency is already on top of it, considering it happened during the Christmas Eve,” ani Romualdez.
204