SOLON: MAGSASAKA PANALO SA PAGBABALIK NG NIA SA DA

ITINUTURING ng isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na tagumpay para sa Pilipinong magsasaka ang pagbabalik ng National Irrigation Administration (NIA) sa Department of Agriculture (DA).

Tugon ito ni Magsasaka Party-list Rep. Argel Cabatbat sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Executive No. 168 nitong April 25 na naglalagay muli sa pamamahala ng NIA sa ilalim ng DA mula sa Office of the President.

Ilang ulit nanawagan si Cabatbat na ibalik ang NIA sa DA sa bisa ng kanyang House Resolution 2142. Ayon sa mambabatas, mas kailangan ng magsasaka ang maayos na patubig ngayon dahil sa epekto ng climate change.

Ayon sa pag-aaral, tamang irigasyon ang isa sa pangunahing nakapagpapataas ng produksyon sa pagsasaka. Higit sa 60% ng taniman ng palay ang umaasa sa irigasyon kaysa sa tubig ulan.

Paliwanag ni Cabatbat, hindi magagampanan ng NIA ang mandato nitong ayusin ang mga patubig sa kanayunan kung ito ay umaaktong government-owned and controlled corporation (GOCC) na kailangang kumita.

Aniya, “DA naman ang may pananagutan sa lahat ng aspeto sa agrikultura – mula binhi, pataba, pagpapatanim, hanggang patubig. Mas mainam kung makikisalo sa resources ang NIA. Mas mapapabilis din ang koordinasyon lalo na sa panahon ng pandemya at bagyo kung iisang ahensya lang ang gumagalaw.”

Itinalaga si Agriculture Secretary William Dar bilang acting chairman ng NIA habang isinasaayos pa ang lupon nito. (CESAR BARQUILLA)

434

Related posts

Leave a Comment