SOLON NANLUMO SA ANTI-TERRORISM LAW

WALANG sinuman ang nararapat magkaroon ng malawak na kapangyarihan, lalo na kung hindi dumaan sa mabusising proseso ang pagbuo ng mga probisyon at posibleng maabuso ang mga ito ng mga awtoridad at nasa posisyon.

Ito ang reaksyon ni Magsasaka Party-list Rep. Argel Cabatbat sa aniya’y nakapanlulumong pagsasabatas ng Anti- Terror Act of 2020.

Ayon sa mambabatas, siya man ay minsan ding naging biktima ng ambush na plinano at isinagawa mismo ng mga kabilang sa unipormadong hanay.

Naiintindihan din niya ang takot at pangamba ng publiko dahil maaaring markahan ang mga taong may kaunting impluwensiya at malagay sa panganib ang mahihirap, maliliit, at walang kalaban-laban.

Sinabi ni Rep. Cabatbat na sinasalamin ng batas na ito ang prinsipiyo at prayoridad ng mga mambabatas.

“Naniwala ang mayorya na ito ang mabigat na isyung kinakailangang tutukan ng ating bayan, at bagamat tumutol tayo, buong-puso ang ating pagtulong upang masigurong walang basehang sektor gaya ng mga magsasaka ang magiging biktima. Ngunit nararapat ding paalalahanan ang lahat sa aming inihalal ng bayan na ang bawat karapatang mababali, bawat kaso ng pagmamalabis at bawat buhay na mawawala dahil sa pang-aabuso ng batas na ito ay habambuhay na papasanin [ng] aming konsensiya,” paliwanag ng mambabatas.

“Higit kailanman, ngayon ang panahon ng pagbibigkis ng bawat Pilipino upang protektahan ang buhay ng bawat isa.

Ang ugat ng kapangyarihan ng sinomang politiko ay mula sa taumbayan at isang kalasag laban sa pang-aabuso ang pag-alam sa bawat karapatan na kinikilala ng ating Konstitusyon at ang pagpiling gamitin ang boses at paninindigan para sa kapwa” ani Cabatbat.

Binanggit pa nito na walang shortcut para makamtan ang kapayapaan – kinakailangan nito ng pagtutulungan ng bawat sangay ng gobyerno at lipunan, at ng isang proseso na bukas sa puna at may puwang sa pananagutan. Sa pamamagitan ng tamang paggamit sa batas, mayroong pagkakataon ang parehong kapulisan at sandatahang lakas na linisin ang kanilang pangalan at pawiin ang pangamba ng mga Pilipino. (CESAR BARQUILLA)

72

Related posts

Leave a Comment