SOLON PUMIYOK SA TENSYON SA KAMARA

INAMIN ng isang mambabatas sa Kamara na may tensyon sa mababang kapulungan ng Kongreso.

“Hindi tayo makapag-speculate pero meron talagang tensyon,” ani Ako Bicol party-list Rep. Raul Angelo Bongalon sa isang panayam subalit hindi ito nagbigay ng karagdagang impormasyon.

Magugunita na noong Miyerkoles ng gabi ay tinanggal bilang Senior Deputy Speaker si Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo o pangalawa sa pinakamataas na lider ng Kamara.

Dahil dito, kumalat ang impormasyon na may planong ikudeta ni Arroyo ang kanyang kapartido sa Lakas-CMD na si House Speaker Martin Romualdez, bagay na itinanggi ng dating pangulo.

Kasunod nito ay nagbigay ng statement of support ang lahat ng political party tulad ng Nacionalista Party (NP), Nationalist People’s Coalition (NPC), party-list coalition at iba pa kay Romualdez na nagpalala sa isyu ng kudeta.

Huling nagbigay ng statement of support kay Romualdez ang Visayan bloc at maging ang Kilusan ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) na pinamumunuan ni Bacolod City Mayor Albee Benitez.

Sinabi naman ni ACT party-list Rep. France Castro na kapana-panabik kung ano ang magiging eksena sa pagbubukas ng Second Regular Session ng 19th Congress sa Hulyo 24, 2023 kasabay ng ikalawang state of the nation address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Abangan natin baka may magtago na naman ng mace,” ani Castro.

Ibinase ng mambabatas ang pahayag na ito sa nangyari noong 2018 nang ikudeta ni Arroyo si dating House Speaker Pantaleon Alvarez sa ikatlong SONA ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasabwat umano ni Arroyo ang anak ni Duterte na si dating Davao City Mayor at ngayo’y Vice President Sara Duterte sa pagkudeta kay Alvarez.

Senado matatag

Sa gitna ng kaguluhan sa Kamara, stable ang liderato sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Ito ang tiniyak nina Senators Jinggoy Estrada at Sherwin Gatchalian matapos ang ugong ng umano’y planong kudeta sa liderato ni House Speaker Martin Romualdez.

Sinabi nina Estrada at Gatchalian na stable ang liderato ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

Ipinaliwanag ni Estrada na sa ngayon ay nakatuon sila sa trabaho at wala silang nalalaman na nagbabalak palitan si Zubiri bilang lider ng mataas na kapulungan.

Iginiit naman ni Gatchalian na ang mataas na rating ng Senado ay pagpapakita na kuntento ang publiko sa kanilang performance sa ilalim ng pamumuno ni Zubiri.

Ayon kay Gatchalian, bahagi ng dynamic sa Kamara ang pagbabago ng liderato at pagbabago ng committee chairmanship.

Isa anyang pribilehiyo ang ibinibigay na posisyon sa mga opisyal ng Kamara at wala silang magagawa kung bawiin at palitan sila.

Iginiit naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na wala na silang oras sa pulitika dahil napakarami nilang trabaho na dapat asikasuhin ngayon sa dami ng nakapilang mahahalagang panukala na dapat talakayin at aprubahan.(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

113

Related posts

Leave a Comment