Solon sa ‘dolomite’ beach project TAUMBAYAN NILOLOKO NG DENR

0

PANLOLOKO sa taumbayan ang pinalalabas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang paggastos ng P265 million sa second phase ng Manila Bay ‘Beach Nourishment’ Project ay nakabubuti sa kalusugan ng mamamayan.

Ganito inilarawan ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat ang patuloy na pagtatambak ng dolomite sa Manila Bay na ginagastusan ng P256 milyon ngayong panahon ng pandemya.

“Wag na nila tayong lokohin na ang “Beach Nourishment Project” ay makakabuti din sa kausugan ng mga tao. Makakabuti ito kung sa kalusugan ng mamamayan inilaan,” ayon sa mambabatas.

Noong nakaraang taon ay daan-daang miyong piso rin umano ang ginastos ng DENR sa pagtatambak ng dolomite sa Manila Bay subalit natabunan ito ng itim na buhangin ng magkaroon ng sunod-sunod na bagyo.

Hindi aniya katanggap-tanggap ang ganitong maling prayoritisasyon ng pamahalaan lalo na’t kulang na kulang ang supply ng bakuna sa bansa laban sa COVID-19 at gumagastos ng sariling pera ang mga medical frontliner sa kanilang proteksyon.

“Pero pag ganitong pandemya at walang konsiyensyang nagwawaldas ng milyun-milyong pondo ang gobyerno, mas akmang tawagin itong ‘Destructive Project’,” ayon pa sa mambabatas.

Bukod sa mga nagkakasakit, maraming nagugutom na hindi pa aniya nabibigyan ng ayuda kaya nagkusa ang mga pribadong mamamayan na magtayo ng community pantry para matulungan ang kapwa.

Dito (community pantry) ay nakakakain sila, sa gobyerno, dilat na ang mata, sa buhangin pa inilalaan ang paggasta. Itigil na natin ang korupsyon at walang kapararakang sistema at programa. Maawa kayo sa sambayanang Pilipinong nagugutom, walang maayos na kalusugan at nakanganga pa rin sa paghihintay ng bakuna,” panawagan pa ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publicationโ€™s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment