SOLON SA DTI: MSMEs HANAPAN NG MERKADO

dti12

HINIMOK ni Senador Sonny Angara ang Department of Trade and Industry (DTI) na doblehin ang pagkilos nito upang matulungan ang micro, small and medium enterprises (MSME) sa paghahanap ng merkado para sa kanilang mga produkto sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Angara na dahil sa ipinatutupad na community quarantines, maraming MSMEs, kabilang na ang mga nasa indigenous communities ang nahihirapang ibenta ang kanilang mga produkto dahil sa limitadong galaw ng mga tao.

Ipinaliwanag ng senador na upang makapagpatuloy ang operasyon ng maliliit na negosyo, maaari nang ikonsidera ang online market at dito dapat umayuda ang DTI.

Inihalimbawa nito ang mga community weavers sa Batangas na hindi makabenta ng kanilang mga produkto dahil sa pagbabawal sa pagbiyahe kaya’t karamihan sa kanila ay ikinukonsidera ang pagtitinda ng isda at gulay.

Hinikayat ni Angara ang DTI na pangunahan na rin ang pagma-market ng mga produkto mula sa malalayong komunidad partikular ng mga Indigenous People.

Dapat din anyang magtulungan ang Department of Agriculture at DTI para mabilis na maibenta ng mga magsasaka at mangingisda ang kanilang mga produkto sa online world.

Muling iginiit ni Angara ang pagsusulong ng “Tatak Pinoy” platform para sa pagbuo ng mga hakbangin upang palaguin ang maliliit na negosyo. (Dang Samson-Garcia)

58

Related posts

Leave a Comment