SOLON SA PNP AT NBI: MAKIPAGSABAYAN SA ONLINE SCAMMERS

NANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na pag-ibayuhin ang kanilang aksyon laban sa online scammers na namamayagpag sa panahon ng quarantine.

Sinabi ni Gatchalian na dapat palakasin ng mga awtoridad ang kanilang pagbabantay sa online upang maprotektahan ang mamamayan laban sa online scams at mga kahalintulad na cybercrimes.

Ipinaliwanag ng senador na sa panahon ng quarantine, mas marami ang oras ng taumbayan sa online kaya mas malaki ang tsansa na mabiktima sila ng scammers.

Batay anya sa datos, tumaas ng 100% ang cybercrime activities sa bansa noong Abril partikular na ang online scams sa pamamagitan ng phishing.

Nanawagan din ang mambabatas sa publiko na doblehin ang pag-iingat at iwasan ang pagbibigay ng personal data sa online partikular sa paggamit ng credit card o money transfer.

Pinakamahalagang hakbang din anya ang agarang pagre-report sa mga awtoridad ng online scams upang agad maaksyunan. DANG SAMSON-GARCIA

72

Related posts

Leave a Comment