Solons: Kung ‘di ubra sa korte ANTI-TERROR COUNCIL GAMIT NI BBM SA KALABAN

(BERNARD TAGUINOD)

NAGIGING sandata ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Anti-Terror Council (ATC) kapag hindi umubra ang kasong isinampa laban sa kanilang mga kalaban sa pulitika at kritiko sa hanay ng mga militanteng grupo.

Ito ang pinag-isang pahayag ng Makabayan bloc sa Kamara kaya nanganganib umano ang mga kritiko ni Marcos at maging ang mga kalaban ng mga ito sa pulitika na nais niyang patahimikin kung hindi kakalusin ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng ATC.

Ginawa ng grupo ang pahayag matapos italaga ng ATC bilang terorista si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, kapatid nitong si dating Gov. Pryde Teves at 11 iba pa matapos hindi umusad ang kasong isinampa ng gobyerno sa kanila kaugnay ng pagpatay kay dating Gov. Roel Degamo noong Marso, 2023.

“This approach reveals the incompetence of government bodies in apprehending their suspects and highlights the tendency to use the Anti-Terrorism Law as a crutch. When the Marcos Jr. administration cannot get what it wants from the courts,” ayon sa grupo ng mga militanteng mambabatas.

Wala umanong ipinagkaiba ang kaso ni Teves sa apat na aktibista sa Cordillera na sina Windel Bolinget, Stephen Tauli, Jennifer Awingan-Taggaoa, Sarah Abellonna at iba pa na idineklara ng ATC bilang terorista.

Ang ATC ay binubuo ng Executive Secretary na tumatayong chairperson at vice chairperson naman ang National Security Adviser habang miyembro ang Secretary ng Foreign affairs, national defense, interior and local government, finance, justice, information and communication technology at executive director ng Anti-Money Laundering Council.

May kapangyarihan ang mga ito na italaga ang isang indibidwal o grupo na terorista kung saan maaaring arestuhin ang mga ito kahit walang arrest warrant at i-freeze ang kanilang assets na ayon sa Makabayan ay mapanganib sa seguridad ng mga Pilipino.

“This is what we have been arguing before the Supreme Court before: the unilateral power of the Terror Council to designate will practically deprive the courts of their power to adjudicate, and any citizen of their rights. Resorting to the Anti-Terrorism Law for crime solving undermines the principles of justice and human rights, and risks further eroding public trust in our justice system,” ayon pa sa grupo.

Hanggang hindi aniya makalos ang kapangyarihan ng ATC ay tuluyang mawawala ang due process dahil maaaring italaga ng mga ito bilang terorista ang sinoman na kalaban sa pulitika at mga militanteng grupo upang patahimikin ang mga ito.

174

Related posts

Leave a Comment