SOLONS MAY HAMON KINA TEODORO, HERBOSA

HINIMOK ni Senador JV Ejercito ang nagbabalik na Defense Secretary na si Gilbert Teodoro na tiyakin ang tagumpay ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines.

Sinabi ni Ejercito na palagi niyang sinusuportahan ang AFP modernization program partikular sa paglalaan ng budget para sa mga makabagong kagamitan ng militar.

Iginiit ng senador na dapat madaliin pa ng militar ang pagpapalakas ng ating defense posture at pagbabantay sa coastal areas ng bansa sa gitna na rin ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea at South China Sea.

Muling binigyang-diin ng senador na upang malabanan natin ang pambu-bully ng China, dapat protektahan natin ang ating territorial integrity at magkaroon ng respetadong armed forces na may sapat na kagamitan.

Sinabi naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na tried and tested public servant na si Teodoro kaya tiwala siyang mapamumunuan nito nang maayos ang Department of National Defense sa gitna ng tensyon sa mga pinag-aagawang teritoryo ng bansa.

Iginiit naman ni Senador Jinggoy Estrada na mahalagang mayroon nang permanent secretary sa Department of National Defense (DND) upang matiyak ang continuity at stability gayundin ang effective coordination, policy implementation, accountability, at representation sa mga usaping pang-defense at security.

Sa Kamara, naniniwala ang isang mambabatas na dapat pagtuunan ng pansin ni Teodoro ang external threat lalo na’t lumalala ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

“As of now the Defense department should concentrate more on external aggression as the tensions in the West Philippine Sea and the Taiwan Strait continue to escalate due to Chinese actions,” reaksyon ni House deputy minority leader France Castro matapos italaga ni Marcos Jr., si Teodoro bilang permanenteng kalihim ng DND.

Walang pagpapahayag ng pagtutol sa appointment ni Teodoro na dating DND Secretary noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at naging 3-term congressman ng unang distrito ng Tarlac.

Sinabi ni Castro na sa ngayon ay nakatuon ang DND sa internal aggression kaya wala sa pokus ang sandatahang lakas sa banta sa seguridad ng bansa mula sa labas partikular sa usapin ng pangangamkam ng China sa WPS.

“It would also be a novel and a good move if Sec. Teodoro would call for a resumption of the peace negotiations between the Government of the Republic of the Philippines (GRP) and the National Democratic Front of the Philippines (NDFP) so that the armed forces could focus on foreign aggressors,” mungkahi pa ni Castro.

Samantala, tinawag ni dating Senador Panfilo Lacson na wise choice ang pagpili ng Pangulo kay Teodoro bilang kalihim ng DND.

Samantala, umaasa si Senador JV Ejercito na sa pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Ted Herbosa bilang kalihim ng Department of Health ay mabibigyang prayoridad na ang full implementation ng Universal Health Care Law.

Sinabi ni Ejercito, author and sponsor ng UHC Law, na dahil sa COVID-19 pandemic, na-expose ang vulnerability ng public health system.

Iginiit ng senador na makikita ang urgency ng health situation ng bansa sa pagsasama ni Pangulong Marcos ng ilang health-related bills sa kanyang legislative priorities.

Iginiit naman ni Senador Christopher Bong Go na krusyal ang papel ng DOH sa full at inclusive recovery ng bansa mula sa pandemya at sa pagpapalakas pa ng healthcare system upang agad matugunan ang mga problema sa kalusugan sa mga susunod na panahon.

Nanumpa na kahapon sa kani-kanilang tungkulin sa harap ni Pangulong Marcos Jr. sina Teodoro at Herbosa.

Kasamang nanumpa ni Teodoro ang kabiyak na si Monica habang sinamahan din ng kanyang asawa at anak si Herbosa. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)

155

Related posts

Leave a Comment