SOLUSYON SA TRAPIKO SA NCR KAPOS -PDU30

PINUNA ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kakulangan sa hakbang at iba’t ibang solusyon na ipinatupad ng mga otoridad para mabawasan ang bigat ng trapik sa Metro Manila.

Sinabi ng Chief Executive na sa Las Piñas, kulang pa rin ang mga hakbang para mapagaan ang trapik sa Kalakhang Maynila.

Nandiyan na aniya ang mga naitayong elevated highways subalit wala siyang makitang epekto upang makaramdam ng pagbabago sa lagay ng trapiko sa Kamaynilaan.

Hindi anya sapat ang mga ito upang makalikha ng matinding impact sa pamumuhay ng mga taga – NCR at kahit sa buong bansa.

Sinabihan kamakailan ni Pangulong Duterte ang MMDA na kung maaari ay paspasan nito ang pag-aaral para mabawasan ang trapik sa National Capital Region.

Kinabibilangan ito ng mismong proposal ng MMDA na magkaroon ng Elevated Walkway para sa mga tao at Bicycle Lane para makabawas sa magdadala ng sasakyan at ang mungkahing odd- even scheme.

Kaugnay nito, dapat siguruhin ng MMDA na malulutas ng panukala nitong modified Unified Vehicle Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme ang economic costs ng trapiko sa Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 1.

Ito ang pahayag ni Sen. Joel Villanueva matapos ilabas ng MMDA sa official Facebook page nito noong Abril 9 ang mga panukala nitong planong baguhin ang number coding scheme. Nakiusap din ang ahensya sa publiko na makibahagi ng opinyon at saloobin sa pagdedesisyon sa mga naturang panukala.

“Gusto na muling makapagtrabaho ng ating mga manggagawa ngayong nagbubukas na muli ang ekonomiya. Linawin dapat ng MMDA sa Metro Manila Council na hindi maaagrabyado ng modified coding scheme ang mga commuter at ang pagsulong ng ekonomiya,” sabi ni Villanueva.

Habang kumunsulta umano ang MMDA sa mga ahensya ng gobyerno at transport groups para sa panukalang modified coding scheme, sinabi ng senador na dapat siguraduhin ng MMDA na dinggin nito ang mga rekomendasyon ng mga economic manager tungkol sa epekto ng plano sa negosyo at manggagawa.

“Tunay nga pong masama ang epekto ng traffic sa ekonomiya at sa buhay mismo ng mga tao sa daan. Dapat pong pag-aralan ng MMDA kung ano ang net positive na epekto sa ekonomiya kung mabawasan ng 20%, 40%, o 50% ang trapik sa Metro Manila,” sabi ni Villanueva.

Sinabi rin ng senador na kaakibat ng panukalang modified coding scheme ang pagpapabuti ng sistema ng pampublikong transportasyon.

Pinahihintulutan ng Republic Act No. 11165 o Telecommuting Act ang boluntaryong alternative work arrangements gaya ng work from home para sa mga empleyado at employer. Si Villanueva ang principal author at sponsor ng nasabing batas. (CHRISTIAN DALE/ESTONG REYES)

174

Related posts

Leave a Comment