(NI DANG SAMSON-GARCIA)
HINAMON ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III si Cong. Mike Defensor na ituloy lamang ang pagsusulong nito ng pagtapyas ng budget ng Senado sa gitna ng pakikipagbangayan kay Senador Panfilo “Ping” Lacson sa isyu ng pork barrel.
Kasabay nito, mistulang binantaan naman ni Sotto si Defensor ng posibilidad ng reenacted budget sa 2020.
“Kung may plano sila tulad ng iniyayabang ng isang partylist na congressman na bawasan daw ang budget ng Senate, sabi ko eh di subukan nyo. Sanay ako sa reenacted budget. Ako pa, kami pa, di kami papabully,” saad ni Sotto.
Pinatutsadahan pa nito si Defensor sa kanyang pahayag na wala namang constituents ang mga senador.
“Lalo naman ang partylist. Eh kami ini-elect kami nationwide. Hindi kami mananalo na hindi at least 14 or 15 million ang boto. Yung partylist 300,000 lang,” diin ni Sotto.
“‘Pag nagturo ka ng daliri siguraduhin mo yung tatlong daliri hindi nakaturo sayo. Pero sabagay hindi na dapat pinapatulan ang ganun. Sabi ko subukan ninyo, really I dare them to try. Subukan nila, kung ganyan talaga ang attitude nila, kami pa, ako pa, ‘di naman ako papayag na tatapakan ang Senado ng kahit na sino,” dagdag pa nito.
Nagbabala rin si Sotto sa mga kongresista na kung ipipilit ang mga maling pamamaraan sa budget ay malaki ang posibilidad na maulit ang nangyari sa 2019 budget na naging reenacted at kinalaunan ay ivineto pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bahagi ng pambansang pondo.
“Aabutin na naman tayo ng January nyan at kung hindi sila papayag eh nakita naman nila nangyari nung nakaraan, ibe-veto ni President yan,” diin pa ni Sotto.
155