SOTTO KAY LENI: TIGILAN MUNA ANG PAGPAPA-MEDIA 

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

PINAYUHAN ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III si Vice President Leni Robredo na tigilan ang paghahayag sa media ng kanyang mga plano at ginagawa sa anti-drug campaign.

Ipinaliwanag ni Sotto na dahil sa pagsasapubliko ng mga plano ay posibleng makapaghanda ang mga sindikato ng droga.

“Hindi ko naman masasabi yun, pero ang pinakamaganda tigilan mo muna ang media-media kasi nate-telegraph ang strategy eh. Dapat dyan submarine approach kailangan na under the radar ang tira, mga kilos. Yan ang magandang kilos and then later on lilitaw ang accomplishment. Hindi yung lilitaw agad ang mga plano at strategy baka walang marating,” diin ni Sotto sa panayam ng DWIZ.

Wala rin naman anyang masama sa pakikipagpulong ni Robredo sa iba’t ibang bansa o organisasyon tulad ng United Nations at Estados Unidos subalit dapat ay tahimik na lamang ito.

“Wag mo sasabihin sa media. (Kung) intelligence (information) bakit ka nagmemedia? Bakit mo pinamemedia ang meeting? Hindi dapat,” diin pa ni Sotto.

Kasabay nito, iginiit ni Sotto kay Robredo na pag-aralan din ang tunay na mandato bilang co-chairperson ng Interagency Committee on Anti-Drugs.

“Siguro mas maganda ang ginawa ni Vice President Robredo pag-aralang mabuti at i-research mabuti ang iba’t ibang kilos ng agencies. Anu-ano ang mga policy nila. I-research munang mabuti, pag-aralang mabuti ang trabaho,” giit pa ng senador.

232

Related posts

Leave a Comment