SSS MEMBERS NA NAWALAN NG TRABAHO, TATANGGAP NG CASH BENEFITS

PWEDENG makatanggap ng hanggang P20,000 cash ang mga aktibong miyembro ng Social Security System (SSS) na nawalan ng trabaho dahil sa epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Nabatid mula kay SSS Public Affairs and Special Events Division head Fernando Nicolas, ang halaga na ibibigay sa mga miyembro ay nakadepende sa tinatanggap nitong sweldo bago nawalan ng trabaho.

Kinakailangan lamang aniya na magpakita ng sertipikasyon mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) at mayruong savings account.

“Up to 20,000 o katumbas po ito ng one month salary credit. Halimbawa, ang isang miyembro ay naghuhulog ng para sa P20,000 monthly salary credit, makakakuha po siya ng ganung halaga,” ayon kay Nicolas.

“Ang kailangan lang nilang i-present ay ‘yung certification galing sa DOLE na sila ay involuntarily separated. Tapos i-present nila ‘yung savings account kung saan natin ide-deposit,” dagdag nito.

Sinabi ni Nicolas na pupuwedeng matanggap ang unemployment benefit sa loob ng limang araw. Hahatiin aniya sa dalawang bigayan sa loob ng dalawang buwan ang halaga ng benepisyo.

Nilinaw pa ni Nicolas na magbibigay pa rin sila ng cash aid sa mga miyembro kahit sila ay nakatanggap ng tulong- pinansyal mula sa anomang programa ng pamahalaan.

Hindi naman aniya kailangan na may kinalaman sa COVID-19 pandemic ang pagkakatanggal sa trabaho ng isang miyembro ng SSS para makakuha ng cash aid.

Para naman sa overseas Filipino workers, ang certification ay maaaring mahingi sa Philippine Overseas Employment Office (POLO), sa halip na mula sa DOLE.

Gayunman, sinabi ni Nicolas na hindi kasama sa unemployment benefit ang mga SSS member na nakarehistro na self-employed. (JEFF TUMBADO)

110

Related posts

Leave a Comment