SSS RACE CAMPAIGN EPEKTIBO, 75% KOMPANYA TUMALIMA

sss16

MAHIGIT  75 porsyento ng 115 delingkwenteng employers na pinuntahan ng Social Security System (SSS) noong 2018 sa ilalim ng programang Run After Contribution Evaders (RACE) ang agad na sumunod sa kautusan at nagbayad ng kanilang mga obligasyon.

Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na 87 ng 115 kinilalang delingkwenteng employers na sumailalim sa RACE Campaign ay tumupad sa kanilang mga obligasyon sa ilalim ng Social Security Act of 1997 bunga ng pinaigting na kampanya sa impormasyon at koleksyon ng ahensya.

“Matapos naming puntahan ang 10 lungsod sa buong bansa, kami ay lubos na nasisiyahan na nagampanan ng RACE Campaign ang layunin nito na mapalawak ang kamalayan ng mga employers sa kanilang mga responsibilidad bilang mga negosyante. Gayundin, natutunan ng mga empleyado ang kanilang karapatan sa social security matapos namin silang makausap sa kasagsagan ng operasyon,” sabi ni Dooc.

Unang inilunsad ang RACE Campaign noong 2017 kung saan binisita ng SSS ang Greenhills, San Juan at Cubao, Quezon City. Matapos ang isang taon, isinagawa na rin ang kampanya sa iba’t ibang rehiyon partikular na sa mga probinsya ng Batangas, Pangasinan, Palawan, at sa mga lungsod ng Davao, General Santos, Bacolod, Pagadian, Laoag, Naga, at Butuan.

Habang isinasagawa ang operasyon, 72 ng 90 employers ang agad na sumunod sa batas matapos na maipaskil sa kanilang establisyimento  ang show cause orders dahil sa hindi pagre-rehistro ng kanilang negosyo sa SSS, hindi pagrereport ng kanilang mga empleyado sa SSS, hindi pag-sumite ng datos ng kanilang mga empleyado, at hindi pagbabayad ng kontribusyon sa SSS.

Bago isagawa ang RACE Campaign sa Dagupan, Puerto Princesa, General Santos, at Pagadian, agad na nagbayad ang 13 employers ng kanilang mga obligasyon sa SSS na nagresulta sa dagdag na koleksyon na umabot sa P2.35 milyon.

“Sa halip na maparuhasan sa pamamagitan ng pagtanggap ng show cause orders, pinili ng mga employers na ito na pumunta sa pinakamalapit na sangay ng SSS isang araw bago ang operasyon upang bayaran ang kanilang obligasyon sa SSS. Pinahahalagahan namin ang kanilang ginawa at umaasa kaming lahat ng employers ay palagiang gagampanan ang kanilang mga obligasyon, hindi lamang sa SSS kundi pati na rin sa kanilang mga empleyado,” dagdag ni Dooc.

Nakapagtala rin ang SSS nang pagtaas nang pagrerehistro ng mga employers sa mga lugar kung saan ginanap ang RACE Campaign.

“Sa Puerto Princesa, nakapatala kami ng pagtaas ng mga rehistradong employer mula sa 8,039 na rehistradong employers noong 2017 ito ay naging 8,966 noong 2018. Gayundin, tumaas ang bilang ng rehistradong employers sa Butuan kung saan nakapagtala ng mahigit na 6,000 rehistradong employers o 8.40 porsiyento na pagtaas, sa Laoag mayroong mahigit na 5,500 employers o 8.79 porsiyento na pagtaas, sa Lipa mayroong mahigit 7,000 employers o 6.22 porsiyento na pagtaas, at sa Dagupan mayroong mahigit 10,000 employers o 6.10 porsiyento na pagtaas,” paliwanag ni Dooc.

“Bilang pagkilala sa epekto ng RACE Campaign sa pagsunod ng mga employer, patuloy na isasagawa ng SSS ang aktibidad na ito sa National Capital Region at iba pang mga lalawigan sa buong bansa. Kaya, nais kong tawagan ng pansin ang mga delingkwenteng employer na bayaran na ang kanilang mga obligasyon sa SSS bago pa namin personal na bisitahin ang kanilang mga establisimyento,” pagtatapos ni Dooc.

Maliban sa pagsasagawa ng RACE Campaign, ipinatutupad din ng SSS ang sariling bersyon nito ng oplan Tokhang sa pamamagitan nang pagbibigay ng warrant of arrest sa mga employers na nahatulan nang paglabag sa SS Law o hindi pagpapakita sa korte para sa pagdinig ng kanilang kaso.

 

130

Related posts

Leave a Comment