(NI DANG SAMSON-GARCIA)
NAGPALABAS na ng subpoena ang Senado laban kay Bureau of Corrections (BuCOR)director Nicanor Faeldon upang maobliga itong dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa isyu ng muntik nang pagpapalaya kay dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez mula sa New Bilibid Prisons.
Ipinalabas ni Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon ang subpoena na pirmado ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, Sabado ng gabi makaraang magpadala ng sulat si Faeldon na hindi makadadalo sa hearing ngayong araw dahil sa imbitasyon sa kanyang ng Canadian embassy.
Dahil dito, ipinaalala ng Senado kay Faeldon na kung hindi siya sisipot ay posible siyang i-contempt at arestuhin ng Senado.
Sinabi ni Gordon na mahalaga si Faeldon sa hearing dahil siya mismo ang nakalagda sa sinasabing release order para kay Sanchez.
Bukod kay Faeldon, nais ding makuha ng komite ang mga records ng BuCor hinggil sa mga pinalayang convicts sa gitna ng implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
“Hindi maganda ang hearing kung wala siya (Faeldon). Dahil siya ang pumirma,” diin ni Gordon.
Una nang itinanggi ni Faeldon na lumagda siya sa release order para kay Sanchez at nagulat pa ito nang makapagpakita ang pamilya ng release order na may petsang August 20.
282