(NI NOEL ABUEL)
UMAPELA ang isang senador sa pamahalaan at sa publiko na suportahan ang mga unibersidad sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region (BARMM).
Panawagan ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino sa Commission on Higher Education (CHED) na bigyan ng suporta at tulong ang mga State Universities and Colleges (SUCs) sa ilalim ng BARMM.
Aniya, kailangang maiangat ang kalidad ng edukasyon ng mga nasabing paaralan nang sa gayon ay makahikayat ang mga ito ng mas maraming estudyante.
“Nakalimutan na ang SUCs sa BARMM. We should be more proactive in addressing their needs, even before they come to you for help,” ayon kay Tolentino.
Ayon naman kay CHED Commissioner Prospero E. De Vera III, aabot sa limang state universities and colleges ang pasok sa ilalim ng BARMM na pawang kulang na kulang ang suportang natatanggap sa pamahalaan.
Aminado rin ang mga opisyal ng CHED na patuloy na bumabagsak ang bilang ng mga enrollees sa BARMM dahil mas pinipili ng mga ito na mag aral sa mga unibersidad sa karatig na lugar.
“Bakit kailangan pa pumunta ng isang estudyante sa Zamboanga o Pagadian, para mag-aral kung mayroon namang State Universities and Colleges sa lugar nila? Siguro dahil na rin sa kalidad ng edukasyon, ano ho sa palagay ninyo?” pag-uusisa ni Tolentino sa CHED,.
Kasabay nito ay nanawagan naman ang mga kinatawan ng mga SUCs ng BARMM sa gobyerno ng dagdag ayuda, lalo na sa kanilang pondo.
Sa kaso halimbawa ng Sulu State University, dalawang taon na umanong wala itong natatanggap na pondo para sa kanilang capital outlay at inaasahan na sa susunod na taon ay ganito rin umano ang kanilang magiging sitwasyon.
Siniguro naman ni Tolentino na masasagot na ang hiling ng mga ito, lalo pa’t inatasan na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga grupo na tututok sa pagpapalakas ng BARMM, na isama ang CHED sa kanilang mga plano.
286