SUGAR CARTEL NAKABAON SA MALACAÑANG?

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI na ipinagtaka ng isang grupo ng mga magsasaka ang walang katapusang iskandalo sa asukal dahil ‘nakabaon’ umano ang kartel sa Department of Agriculture (DA), Sugar Regulatory Administration (SRA) at Malacañang.

Alegasyon ito ni Danilo Ramos, chairman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), kasunod ng biglaang pagbibitiw ni SRA chief David Thaddeus Alba noong nakaraang linggo sa gitna ng kuwestiyonableng pag-aangkat ng 440,000 metric tons ng asukal na nakopo ng pinaboran umanong tatlong sugar importers.

“Hindi matapos-tapos ang sugar scandal na ito dahil ang kartel ng asukal pinapatakbo kasabwat ang mga tiwaling opisyal ng DA, SRA at posibleng hanggang sa Malakanyang,” ani Ramos.

“Kailangan na malaman ng publiko ang puno’t dulo ng iskandalong ito na yumayanig sa pamumuno ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa Department of Agriculture,” dagdag pa nito.

Nakuwestiyon ang pag-aangkat ng asukal dahil Pebrero 15 lamang inilabas ang Sugar Order (SO) No. 6 para mag-angkat ng 440,000 MT ng asukal ngunit dumating ang kontrabando sa bansa noong Pebrero 9, 2023.

Hindi aniya dapat maghugas-kamay si Marcos sa isyung ito dahil siya ang namumuno sa SRA bilang secretary ng DA kaya imposibleng wala itong alam sa mga nangyayaring iskandalo.

“Si Marcos Jr. ang hepe ng Sugar Board ng SRA. Imposible na wala siyang alam sa mga desisyon at kalakaran sa importasyon ng asukal at mga ‘milagrong’ nangyayari sa SRA. Mayroon talagang mga kumikita ng malaki sa importasyon at smuggling ng asukal at may accountability dito ang Pangulo,” pahayag pa ni Ramos.

Subalit sa kabila ng patuloy na pagdagsa ng mga imported sugar, wala pa ring epekto nito sa presyo dahil hanggang ngayon ay naglalaro ito sa halagang P90 hanggang P110 kada kilo.

Malayong-malayo ito sa presyong umiiral sa Thailand na pinanggalingan ng mga hinihinalang smuggled na kalaunan ay naging legal dahil sa SO No. 6, na umaabot lamang sa P25 kada kilo.

“Panawagan namin sa Pangulo na linisin ang DA at alisin ang mga kasabwat ng importers, traders, hoarders at smugglers. Ang mandato ng DA ay tiyakin ang sektor ng agrikultura at kasapatan sa pagkain ng bansa subalit puro problema ang ibinibigay ng ahensyang ito sa mga magsasaka at mamamayang Pilipino,” ayon pa kay Ramos na muling nanawagan sa Pangulo na bumaba na bilang kalihim ng DA.

114

Related posts

Leave a Comment