SUGBO NEGOSYO NG CEBU GAGAYAHIN NI ISKO

NAIS ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno”Domagoso na gayahin ang mga pangkabuhayang programa ng Cebu mula sa pagtulong sa pagpapalakas ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs), na isinulong ni Gobernador Gwendolyn Garcia.

Puntirya ni Moreno na gawin ang nasabing inisyatibo sa buong bansa sakaling manalo siya sa 2022 elections.

Sa kanyang pagbisita sa Cebu, pinuri rin ni Moreno ang pagtugon ng Cebu sa pandemya na itinuturing niyang isang bagay na dapat tularan.

“Akala ko maganda na ‘yung ginawa natin sa Manila kung papaano makaka-survive ang negosyo at kung papaano suportahan ang negosyo,” saad ni Moreno nang ianunsyo ang unang Sugbo Negosyo Champions.

Ang Sugbo Negosyo ay isang livelihood assistance program ng Cebu Provincial Government sa pakikipag-ugnayan nito sa Department of Trade and Industry (Region 7) at sa Mandaue Chamber of Commerce and Industry.

“Sinasabi ko na dapat nating matutunan kung paano mamuhay kasama ang COVID-19, at bumalik sa trabaho nang ligtas. With that policy tinulak namin nang tinulak na mabakunahan ang tao; only to find out ang pinakamagandang idea pala na worth emulating [is in Cebu],”aniya.

Sa kanyang plano ay ipatutupad ang naturang programa sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Trade and Industry.

Sinabi ni Moreno na ang Maynila at Cebu ay may maraming pagkakatulad sa mga tuntunin na ginawa ng dalawang pamahalaan sa pagtugon sa pandemya, partikular sa mga pagsisikap na maipahintulot ang kani-kanilang nasasakupan na bumalik sa normal.

“Maraming pagkakatulad ang probinsya ng Cebu, sa usapin ng paglaban sa COVID-19, at sa mga tuntunin ng pag-iwas sa sosyo-ekonomikong epekto nitong COVID-19 sa ating buhay,” aniya pa.

“Mas magaling lang si Gov. Gwen,” ani Moreno.

Pinuri rin ng alkalde ang pagtatayo ng Cebu-Cordova Bridge na hindi lamang lumikha ng mga trabaho kundi magbibigay-daan din sa kalakalan at komersiyo, na sa tingin niya ay nararapat ding gayahin.

“Paano ito magagawa sa bilis ng panahon, napakagandang imprastraktura na lumilikha ng higit na mahusay na kalakalan na siyang nagpapadali sa ugnayan ng dalawang isla,” ani Moreno.

Tiyak aniyang uunlad ang komersiyo sa bansa kung mas maraming maikokonektang isla. (CESAR BARQUILLA)

110

Related posts

Leave a Comment