SUMUKO SA ILALIM NG GCTA SUMOBRA — DOJ

(NI HARVEY PEREZ)

SUMOBRA umano ang bilang ng mga sumukong preso na pinalaya at nakinabang sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.

Ito ang inihayag ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Markk Perete dahil umabot na umano ito ng 1,950 na mas mataas sa 1,914 Persons Deprived of Liberty (PDL) na nasa listahan ng mga heinous crime convict na maagang pinalaya dahil sa maling aplikasyon ng GCTA.

Nalaman kay Perete na ito ay sa dahilan na tinanggap pa rin ng Bureau of Corrections (BuCor), ang ibang pinalaya na wala naman sa listahan.

Nabatid na hindi pa umano kasama rito ang mga sumuko na nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) na nasa 600 katao.

Sanhi nito, hiniling ng DOJ sa PNP  na huwag munang ipatupad ang pag-aresto sa mga heinous crime convict na nakinabang sa GCTA.

Sinabi ni Perete sa ginanap na press conference, nais muna nilang linisin ang magulong listahan ng BuCor para na rin mapakawalan agad ang mga convict na hindi naman dapat sumuko.

Inamin naman ng  DOJ na maraming mali sa orihinal na listahan ng BuCor kaya nais muna nilang malinis ang listahan para hindi naman daw masayang ang resources ng gobyerno sa pagtugis sa mga indibidwal na hindi naman dapat arestuhin.

Posible umanong nagsisuko rin iyon mga pinalaya sa pamamagitan ng parole, pardon at mga binigyan ng Executive clemency.

Sinabi ni Perete na gusto nila na maiwasan ang anumang hindi magandang mangyayari sa mga aarestuhin at maging ang mga pulis na magsasagawa ng pag- aresto.

Nabatid  na natatagalan ang verification process sa listahan dahil ilan sa mga orihinal na record ng BuCor ay nasa Senado.

Gayunman, nagsasagawa na umano ng revalidation ang BuCor at DOJ sa lahat ng mga sumuko.
Magdamag na umanong tinutukan ng mga abogado ng DOJ at BuCor ang  paglilinis ng listahan.

Bukod pa sa tinatanggap nilang impormasyon galing sa mga penal farms at penal colony para matukoy kung sinu-sino ang dapat na alisin sa listahan.

Sinabi pa ni Perete na naipalathala na sa mga pahayagan ang  Revised Implementing Rules And Regulations ng Republic Act 10592 o Expanded GCTA Law at ang bagong IRR na  magkakabisa sa Oktubre 4.

 

190

Related posts

Leave a Comment