Kabuteng nagsulputan sa lansangan ang mga batong may #24
Patuloy sa pagkabig ng suporta si dating Philippine National Police (PNP) director general at kandidatong senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Naging “evident” ang pagdami ng suporta dahil halos mabalot na ng bato na may #24, na siyang numero ni Dela Rosa sa balota, ang mga pangunahing lansangan sa bansa, partikular sa Metro Manila hanggang sa mga lalawigan ng Visayas at Mindanao.
Napag-alaman na ang mga bato ay nakahilera sa mga pangunahing lansangan ng mga matataong lugar tulad ng Commonwealth at Quezon Avenue sa Quezon City; Recto Avenue sa Sampaloc, Maynila at Monumento sa lungsod ng Caloocan.
Kapansin-pansin na rin na napupuno ng mga nakahilerang bato na may #24 maging ang mga lansangan sa Marcos Highway, kahabaan ng C5 at lungsod ng Marikina, Makati, Parañaque at Las Piñas, ayon sa ulat.
Sa panayam sa ilang mananakay, sinabi ng mga ito na ilang mamamayan ang namataan nila na nag-iiwan ng mga batong may #24 at hinihilera ang mga iyon sa gilid ng kalsada sa bahagi naman ng Rizal.
Umabot na ang nakahilerang mga bato hanggang sa rehiyon ng Ilocos at Central Luzon.
Base sa impormasyon, nauna ng iniulat ang pagdami ng mga batong may #24 sa Cebu, Bohol at Mindanao.
Samantala, kung pagbabatayan ang papalapit na national and local elections, si Dela Rosa ang #24 sa balota at kilala siya sa bansag na “Bato” na kandidato ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Senador at kabilang sa winning circle ng Hugpong ng Pagbabago at PDP-Laban.
Dahil dito, malakas ang hinala na mga supporters n’ya ang naglalagay ng mga batong may #24 at nakahilera sa kalsada bilang pagpapakita ng suporta sa kaniyang kandidatura.
362