SURFER CASUGAY, TINAGURIANG HERO NG 30TH SEA GAMES 

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

KINUMPIRMA ni Senador Bong Go na bibigyan ng Lapu-Lapu award ang Pinoy Surfer na si Roger Casugay na matapos iligtas ang kapwa surfer ay nakasungkit din ng gintong medalya sa Southeast Asian Games.

Sa kanyang speech na nagbibigay ng pagkilala sa Surfing team, iginiit ni Go na una na rin niyang ipinagako kay Casugay na manalo o matalo siya sa kompetisyon ay tatanggap siya ng award.

“Walang dudang si Casugay ang hero ng 30th Southeast Asian Games,” saad ni Go.

Sa kanyang Senate Resolution 230, sinabi ni Go na dapat lamang kilalanin ang sportsmanship ni Casugay at ang pagtulong nito sa kapwa atleta sa kanilang longboard open surfing.

Maging si Senador Nancy Binay ay naghain ng Senate Resolution 258 para sa pagkilala sa mga nanalong atletang Pinoy sa SEA Games.

Kapwa sinabi nina Binay at Go na dapat maging inspirasyon ng lahat ng atleta at mga kabataang Pinoy si Casugay.

Nagpasalamat naman si Casugay sa ibinigay na pagkilala ng Pangulo,mga senador at ng mga kapwa Filipino.

Nilinaw din ni Casugay ang mga ulat na nalulunod ang pambato ng Indonesia nang tulungan niya ito.

Ipinaliwanag ng hero surfer na hindi nalunod at sa halip ay nahirapan lang na makabalik sa shoreline  dahil  sa lakas ng alon.

Dahil dito, itinigil ang laban at ayon kay Casugay ay inutusan siya na tulungan ang kapwa atleta.

Sa paliwanag naman ni Dr George Canlas, pangulo ng Unified Philippines Surfers Association, dahil sa papapatigil ng laban ay nawala ang momentum ni Casugay na noon ay lamang na sa laban bago nagkaproblema ang Indonesian surfer.

194

Related posts

Leave a Comment