TUMAMBAD sa mga rescuer ang mga hayop at bahay na nalibing sa abo kasunod ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Matapos bahagyang humupa ang pagbuga ng Taal Volcano kahapon, lakas-loob na pinasok ng mga rescuer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang Volcano Island sa layong makapagsalba ng mga nalabi pang buhay na hayop sa isla.
Kasabay ng mga rescuer na nagtungo sa isla ang ilang kalalakihang residente na nagnanais pang makapagsalba ng naiwang ari-arian.
Subalit tumambad sa kanila ang nakapanlulumong larawan ng isla na dating tirahan ng nasa 5,000 mga residente.
Ang mga bahay ay bubungan na lang ang kita dahil sa taas ng abong tumabon sa mga ito. Nagkalat ang katawan ng mga patay na hayop tulad ng mga baka, kabayo at kalabaw na nalibing sa makapal na abo.
Ang mga baboy ay hindi rin nakaligtas sa pagngangalit ng bulkan at namatay sa mga kulungan.
Sa pag-iikot sa ligtas na bahagi sa mga gilid ng isla, may ilang baka at isang kabayo pa silang nakitang buhay subalit hindi rin nila ito nadala dahil kinakailangan umano ang malaking bangka na mapagsasakyan sa mga ito.
Bukod sa paghahalaman at pangingisda, ang paghahayupan ang isa sa pangunahing ikinabubuhay ng mga taga isla. NILOU DEL CARMEN
o0o
BAWAL MANGISDA
PINAGBABAWAL na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pangingisda sa karagatan na sakop at malapit sa Bulkang Taal.
Sa Laging Handa briefing sa New Executive Building (NEB), Malakanyang, ang paliwanag ni Phivolcs Usec. Renato Solidum, kapag sinabi aniya na ‘within 14 kilometers radius’ ang ibig sabihin ay dapat na walang tao.
Sa kabilang dako, naniniwala si Solidum na walang epekto ang sulfur mula sa ibinubugang abo ng Bulkang Taal sa mga hayop lalo na sa isda kaya malabo aniyang magkaroon ng fishkill.
Maaari lamang aniyang mamatay ang mga isda sa karagatan kapag na-suffocate ang mga ito sa oras na matabunan ng mga bato at abo mula sa Bulkang Taal ang kanilang fish cages.
Iyon nga lamang, nananatiling ipinagbabawal ng Department of Health (DoH) ang pagkain ng mga isda mula sa mga lugar ng Batangas.
Ani DoH Asec. Maria Francia Laxamana, “Mayroon na po tayong mga advisory na lahat po ng mga nanggagaling diyan sa area ng Taal at Batangas, dapat ho talaga wala nang bibili kasi hindi po natin maaasahan iyong safety ng ating mga mamamayan. Ngayon, kung halimbawa man biglang nagkaroon ng pagkakataon na nakakain siya o gusto niya talaga iyong tawilis na galing ng Taal Lake, mayroon po tayong mga symptoms.”
Ang mga sintomas aniya na mararanasan ng makakakain ng mga patay na isda mula sa mga nasabing lugar ay pagsakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae. CHRISTIAN DALE
o0o
HAYOP, PANANIM SINIRA
MILYONG halaga ng mga pananim at hayop kabilang ang mga isda ang napinsala sa pagputok ng Bulkang Taal.
Sa inilabas na Bulletin No. 2 ng Department of Agriculture (DA), pangunahing apektado ng abo ang mga lugar ng Batangas, Laguna, Cavite, Rizal, Bulacan at National Capital Region (NCR).
Bukod sa mga abo na bumagsak sa nabanggit na mga lugar ay nakapagtala ng maraming paglindol sa Laguna at Batangas.
Sa initial report ng DA RFOI IV-A, partikular na napinsala ang mga pananim na kape, mais at hayop na may halagang P74,55 milyon.
Ayon naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nasa 6,000 palaisdaan (fish cages) ng Sardinella Tawilis at tilapia na may production na tinatayang 15, 033 metric tons ang namatay sa Taal Lake dahil sa mataas na sulfur content.
Samantala, nanawagan ang mga nagsilikas sa Sto. Tomas Central Elementary School, sa Sto. Tomas, Batangas na nagmula sa bayan ng Talisay na bigyan sila ng mga banig, gamit pambata at wheelchair.
Sa pag-iikot ng PeryodikoFilipino Inc. Team (PFIT) sa mga bayan ng Talisay at Laurel, tanging mga pulis at militar ang nasa lugar dahil nailikas na ang mga residente. (Joel O. Amongo)
o0o
TATAGAL PA
HINDI pa matiyak ng Phivolcs kung hanggang kailan tatagal o matatapos ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Ayon kay Phivolcs Usec. Renato Solidum, hangga’t hindi tumitigil ang mga paglindol, pagbitak ng lupa at pagbuga ng ashfalls ng Taal Volcano ay hindi nila maaaring irekomendang pabalikin ang mga evacuee.
Pahayag ni Solidum, nananatili pa rin ang senyales ng pinangangambahang mapanganib na pagsabog ng Taal lalo na at tuloy-tuloy ang pagyanig at pagtaas ng lupa doon na tanda aniya na unti-unting umaakyat ang magma ng bulkan.
Nangangahulugan aniya ito na dapat ay wala nang tao sa mga lugar na idineklarang danger zone dahil anomang oras ay posibleng iakyat nila sa level 5 ang alerto.
Giit ni Solidum, hindi dapat kalimutan ang nangyari sa pagputok ng Mount Pinatubo na halos lahat ng mga bayan na malapit dito ay nalubog o natabunan ng lahar na hindi aniya malayong mangyari sa ipinapakita ngayong aktibidad ng Taal.
Binanggit pa ni Solidum na isang vertical explosion na may bilis na 60 kph ang makikita sa himpapawid kapag tuluyang sumabog ang Taal Volcano at tiyak aniyang agad na mababaon o malulubog sa lupa ang mga bayang malapit dito. CHRISTIAN DALE
172