TAMANG PAGGASTOS NG PERA ITUTURO SA ELEMENTARYA

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang panukalang mag-oobliga na ituro sa lahat ng antas ng paaralan ang wastong paggamit ng salapi o ang subject na Economics and Personal Finance (EPF).

Iginiit ni Gatchalian na makakatulong ito upang mai-angat ang antas ng financial literacy o sapat na kaalaman sa tamang paggamit ng salapi.

Sa ilalim ng Senate Bill 1192 o ang “Economics and Financial Literacy Curriculum Act of 2019”, kakailanganin ng mga mag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo na kumuha ng kursong EPF bago makapagtapos.

Sa elementarya, ilan sa mga pag-aaralan ang pag-iipon, paghahanda ng budget at tamang pagpapasya sa mga gastusin. Sa high school at kolehiyo naman tatalakayin ang mga mas komplikadong usapin tulad ng credit, investments, mortgages at yung tinatawag na retirement planning.

“Halos 18 taon o higit pa ang ginugugol ng mga bata para sa pag-aaral, ngunit nagtatapos silang kapos ang kaalaman sa tamang paggamit ng pera o salapi. Pag nagtatrabaho na sila, ginagawa nilang biruan ang petsa de peligro, pero hindi biro ang kakulangan nila ng kaalaman pagdating sa paghahanda sa kanilang kinabukasan,” saad ni Gatchalian.

Batay sa Global Financial Literacy survey na isinigawa ng kumpanyang Standard & Poor’s, 25% lamang ng mga pinoy ang matuturing na financially literate.

“Sa paghahain natin ng ganitong batas, matuturuan natin ang mas maraming kabataan na maging mas responsable at handa lalo na’t darating ang panahon na aako sila ng mas maraming responsibilidad,” pahayag ng senador.

419

Related posts

Leave a Comment