TAMPUHAN SA AFP TINANINGAN HANGGANG MARSO

PARA kay Defense Secretary Carlito Galvez, matatagalan pa ang paghilom ng sigalot na idinulot ng balasahan sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Gayunpaman, nilinaw ng Kalihim na walang dapat ikabahala dahil aniya normal na ang tampuhan sa alinman tanggapan ng pamahalaan at maging sa organisasyong kinabibilangan ng mga sundalo.

Partikular na tinukoy ni Galvez ang aniya’y epekto ng Republic Act 11709 na nagtatakda ng three-year fixed term sa walong pwesto sa sandatahan — kabilang ang posisyon ng AFO Chief of Staff na hawak ngayon ni Gen Andres Centino.

Pag-amin ng DND chief, may nadaramang agam-agam ang ilang heneral na nangangamba sa posibleng pagkadiskaril ng kanilang “military career” sa biglaang pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng bagong liderato sa AFP.

“Tampo na lang siguro,” ani Galvez kasabay ng pagtitiyak na patuloy ang kanyang pakikinig sa hinaing ng mga ‘dismayadong” sundalo.

Mungkahi pa niya, amyendahan ang RA 11709 para matuldukan nang tuluyan ang agam-agam at tampuhan sa AFP, at mapataas ang antas ng propesyonalismo sa hanay ng mga sundalo.

Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security, inamin ni Galvez na nakaapekto sa moral ng mga military officials ang pagkaudlot sa kanilang promotion at designation — bagay na itinuturo naman ng kalihim na bunga ng bagong batas na nagtatakda ng tatlong taong fixed-term sa mga top military officials.

Binigyang-diin rin ng DND chief na anumang “tampuhan” sa hanay ng mga sundalo ay hindi planado.

Paliwanag ni Galvez, sa bawat maaantalang promotion tulad na lamang ng sa major service command, apat agad ang maaapektuhan at sa batas na nagtatakda ng tatlong taong fixed term sa mga matataas na opisyal ng militar, nasa 100 hanggang 135 enlisted personnel ang apektado pati na rin ang nasa ibaba na ranggo.

Positibo naman si Galvez na mapaplantsa ng amyendang agresibong isinusulong ng Palasyo ang gusot hanggang Marso.

Rekomendado na rin aniya ng DND ang promotion system at retirement ng mga enlisted personnel na di apektado ng RA 11709. (JESSE KABEL RUIZ)

113

Related posts

Leave a Comment