Tanong ng mga magsasaka sa mahal ng bilihin MAY GOBYERNO PA BA TAYO?

ITO ang karaniwang tanong ng mga magsasaka tuwing panahon ng anihan dahil sa pambabarat sa kanilang mga inani na palay at iba pang produktong pagkain pero pagdating sa palengke ay ibinebenta na ito sa sobrang mahal.

“May gobyerno pa ba tayo? ‘Yan ang laging tanong ng ating mga magsasaka kapag binibili nang barat ang kanilang aning bigas, pagkatapos ay mahal ibebenta,” ani Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo.

Lumalabas na hindi protektado ng gobyerno ang mga magsasaka kaya hindi sila ang higit na nakikinabang sa kanilang mga ani kundi ang mga middlemen na nagsasamantala sa kanila at sa mga consumers.

Karaniwang nangyayari umano na kapag sabay-sabay nag-aani ang mga magsasaka binibili ng mga middlemen ang kanilang palay sa napakamurang halaga dahil sa katuwirang marami ang nagbebenta.

Gayunpaman, kapag natapos na ang anihan ay ibebenta na ng mga middlemen sa mataas na presyo kaya pakiramdam umano ng mga magsasaka ay walang gobyerno na nag-aalaga sa kanila.

Samantala, isiniwalat ni Estavillo na mula Marso 2023 hanggang Marso 24, tumataas ng 35% ang presyo ng bigas kaya lalong malabong matupad ang pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na P20 kada kilo.

“Wala siyang ginawa sa sektor ng agrikultura sa loob ng dalawang taon,” ani Estavillo kaya kung may nakinabang aniya sa kanyang pamumuno ay hindi ang sambayanang Pilipino kundi ang mga negosyante lalo na ang mga rice importers.

“Ang bigas sa palengke ay P62 ang pinakamababa.Nananatiling lumalawak ang bilang ng mamamayan na nagugutom. Merong tayong mahigit isang milyon ang nagsasabing sila ay nagugutom pero ang sagot ng rehimeng Marcos ay P29 presyo ng bigas at saan ito matatagpuan, sa mga Kadiwa Centers dito sa Kamaynilaan,” ayon pa kay Estavillo.

Nangangahulugan na hindi lahat ng mga bulnerableng sektor ng lipunan ang nakikinabang sa P29 dahil sa Metro Manila lamang ito ibinebenta habang nananatiling napakamahal ang presyo nito sa mga probinsya.

Dahil dito, binigyan ng grupo ng magsasaka ng bagsak na grado si Marcos sa kanyang unang dalawang taong pamumuno sa bansa. (BERNARD TAGUINOD)

92

Related posts

Leave a Comment