Target ng importasyon ng Pinas TRIGO SA CANADA, BIGAS SA INDIA

PATULOY sa paghahanap ng ibang mapagkukunan ng suplay ng wheat o trigo ang Department of Agriculture (DA) at isa na rito ang Canada.

Bukod sa trigo, pinag-aaralan na rin ng Pilipinas ang pag-angkat ng bigas sa India.

Sinabi ni Agriculture Secretary William Dar, bunsod ng kakapusan sa suplay ng trigo dahil sa giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, may inisyal nang pakikipag-usap sa embahada ng Canada hinggil dito.

“Two nights ago we talked with the embassy of Canada and sabi nila we are ready to help the Philippines,” ayon kay Dar.

Sinabi pa rin niya na may mga nakalatag na ring contingency plan ang DA para tugunan ang posibleng banta ng food shortage pagdating ng panahon.

Sa katunayan, kasama aniya rito ang paghirit sa pamahalaan ng karagdagang P6 bilyong budget para sa fertilizer vouchers ng mga magsasaka.

Samantala, umaasa ang Kalihim na hindi magkakaroon ng direktang epekto sa bansa ang planong pagtataas ng presyo ng bigas mula Vietnam at Thailand na kabilang sa mga bansang pinagkukunan ng supply ng bansa.

Aniya, 85 porsyento ng inaangkat na bigas ng Pilipinas ay mula sa Vietnam at mga 10 porsyento naman ang galing sa Thailand.

“85% of out rice imports come from Vietnam so mga 10% from Thailand. Well kung tataas sila ay talagang apektado ang ating presyo ng bigas I hope not,” lahad ng Kalihim.

Ikinukunsidera rin ng DA ang bansang India para sa suplay ng bigas sakaling magtaas ng presyo ang ibang kalapit na bansa sa Southeast Asia.

Ayon kay Agriculture Undersecretary Fermin Adriano, nagpalabas na ng executive order si Pangulong Rodrigo Duterte na nagbaba sa taripa ng imported na bigas sa India.

Mula sa 50 percent, ibinaba sa 35 percent ang taripa.

Una rito, inanunsyo ng Thailand na nakipagkasundo na sila sa Vietnam para taasan ang production costs ng bigas.

Ang Vietnam at Thailand ang bumubuo sa 10 percent rice supply sa buong mundo. (CHRISTIAN DALE)

82

Related posts

Leave a Comment