(NINA DANG SAMSON-GARCIA, NOEL ABUEL)
NAIS ni Senador Manuel ‘Lito’ Lapid na hindi lamang “It’s more fun in the Philippines” ang dapat na maramdaman ng mga turista kundi dapat alam nilang ligtas sila sa bansa.
Dapat din anyang maging tourist-friendly ang Pilipinas.
Dahil dito, isinusulong ni Lapid ang Senate Bill No. 878, o ‘Tourist Protection and Assistance Act,’ na naglalayong magtatag ng multi-agency task force para sa mga hakbangin upang maprotektahan at maalalayan ang mga turista, domestic man o dayuhan sa kanilang paglalakbay sa buong bansa.
Sinabi ni Lapid na dapat magpatupad ang gobyerno ng integrated approach sa tourism development upang maging lubos ang positibong epekto nito sa national development.
Ipinaliwanag ng mambabatas na kadalasan ay kulang ang kaalaman ng mga turista hinggil sa mga batas sa bansa lalo na sa paghahain ng mga reklamo sakaling mabiktima sila ng pag-abuso o krimen.
Marami na anyang mga report hinggil sa mga dayuhan na nabiktima ng pangongotong mula sa airport personnel hanggang immigration officials o ng iba pang abusado.
Kamakailan lamang, isang Austrailan couple ang nagreklamo laban sa taxi driver na nagpataw sa kanila ng mataas na pasahe bukod sa extra charge sa kanilang bagahe.
Ipinaalala ng senador na sa ilalim ng Republic Act No. 9593, o ‘The Tourism Act of 2009,’ idineklara ang turismo bilang makina ng investment, employment, growth at national development.
Iniulat din ng Philippine Statistics Authority na 12.7 percent ng gross domestic product noong 2018 ay mula sa turismo na umaabot sa P2.2 trilyon.
“To be able to sustain this upward trend experienced by the sector, it is necessary that programs, policies and projects are put in place to protect the welfare of both foreign and domestic tourists in order to boost our image and stature as an international tourist destination. Therefore, the coordination and cooperation among the different government agencies related to tourist protection and assistance must be fostered,” saad ni Lapid.
329