TULUYAN nang nawasak ang UniTeam sa pagitan ng pamilyang Marcos at Duterte matapos magkaisa ang Kamara laban sa umano’y pag-atake ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang institusyon.
Ito ang obserbasyon ng ilang political observer sa Kamara matapos ipasa ng kapulungan ang House Resolution (RH) 1414 na nagdedepensa sa integridad ng kapulungan at pagsuporta sa liderato ni House Speaker Martin Romualdez.
“Yan na ang huling pako sa UniTeam,” komento ng political observer na hindi na babanggitin ang pangalan.
Posibleng tuluyan na aniyang maghihiwalay ang dalawang pamilya na nagkaisa noong nakaraang eleksyon para sa tandem nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte.
Maging sa loob ng Kamara ay posibleng ihiwalay na rin umano nang tuluyan sa majority bloc si dating Pangulo at ngayo’y Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo dahil sa koneksyon nito kay VP Duterte.
Si Arroyo ay dating Senior Deputy Speaker o pumapangalawa sa Speaker subalit nademote bilang deputy speaker na lamang nang umugong ang kudeta laban kay Romualdez noong Mayo 2023 na kanyang itinanggi.
Sa deliberasyon ng Committee of the Whole sa nasabing resolusyon, itinuro ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., ang dating Pangulo na siyang naninira at umaatake sa Kapulungan nang tanungin ito ni Albay Rep. Edcel Lagman.
Bago pinangalanan ang matandang Duterte na siyang naninira at umaatake sa Kongreso ay nagresign muna bilang miyembro ng PDP-Laban si Gonzales.
Lalong nawasak ang UniTeam matapos ideklara ni Romualdez na lalabanan nito ang sinomang maninira sa kapulungan.
“Tatayo ako laban sa sinuman na mananakot sa atin para masunod lamang ang gusto nila. Titindig ako — tayong lahat— para sa kapakanan ng bayan,” deklarasyon ni Romualdez kung saan ipinagtanggol nito ang pagbusisi ng kapulungan sa iba’t ibang isyu tulad ng confidential funds.
“Wala pong personalan dito. Trabaho lang,” ani Romualdez.
Hindi lingid sa lahat na inalisan ng Kamara ng confidential funds ang anak ni Duterte na si VP Sara, hindi lamang sa Office of the Vice President (OVP) kundi ang Department of Education (DepEd) na hawak din nito.
(BERNARD TAGUINOD)
279