TELCOS KINALAMPAG SA DEADLINE NG SIMREG

KINALAMPAG ni Senador Grace Poe ang lahat ng telecommunication companies na patindihin ang kampanya sa pagpaparehistro ng lahat ng mobile phone subscriber ng kanilang Subscriber Identity Module (SIM) alinsunod sa itinakda ng batas na magtatapos sa Abril 26, 2023.

Sa pahayag, sinabi ni Poe, awtor at isponsor ng SIM Card Registration Act, na kailangan palakasin pa ng telcos ang kampanya sa paghimok na magparehistro ang mobile phone users ng kanilang SIM card bago matapos ang deadline na itinakda sa batas.

“No amount of days will be enough if most of the over 100 million phone users will sign up at the last minute,” aniya.

Nitong Enero 9, umabot lamang sa 16 milyon SIM cards o higit sa 9 porsiyento ng 168 milyong mobile subscribers ang nagparehistro sa tatlong telco companies sa bansa.

Inaatasan ng Republic Act No. 11934 ang lahat ng phone users na iparehistro ang kanilang mobile numbers upang masawata ang anomang krimen na gamit ang cellphone tulad ng phishing, scams at iba pang cybercrime attacks sa pamamagitan ng tawag at text messages.

Itinakda ng batas na dapat makapagparehistro ang lahat ng SIM card hanggang Abril 26, 2023.

Maaaring palawigin ng Department of Information and Communication Technology ang rehistrasyon sa loob ng 120 araw matapos ang april 26 deadline. Hindi na magagamit ang alinmang SIM cards pagkatapos ng deadline.

“There’s a learning curve and some growing pains, but many of our countrymen are actually anticipating that they will register soon,” ayon kay Poe.

“I am just worried that everybody will try to do it at the very last minute, which will bring challenges in handling the traffic of registrants,” dagdag ni Poe.

Kasabay nito, nagbabala naman si Poe laban sa kumakalat na peke o illegal sites na kumakalap ng personal na impormasyon ng mobile phone subscriber.

Sinabi pa ni Poe na libre ang pagpaparehistro sa harap ng ulat na mayroong mga indibidwal na nag-aalok ng tulong na may bayad.

Inihayag pa ni Poe na inaatasan din ng batas at implementing rules and regulations ang local government units na tumulong sa kanilang constituents kabilang ang malalayong lugar sa pisikal na pagpaparehistro ng kanilang SIM. (ESTONG REYES)

21

Related posts

Leave a Comment