(NI ABBY MENDOZA)
HINIMOK ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology(Phivolcs) Director Renato Solidum ang Local Government Units(LGUs) at Departnent of Public Works and Highways (DPWH) na gumawa ng mga template na maaaring gayahin ng mga nagpapagawa ng bahay para masiguro na kakayanin ng itatayong bahay ang malalakas na lindol.
Ayon kay Solidum, mahal ang serbisyo ng mga engineer kaya kalimitan, ang mga nagtitipid ay hindi na kumukuha ng engineers sa kanilang pagpapagawa ng bahay kaya ang resulta ay hindi nakasusunodsa Building Code.
Ani Solidum, kung nakasunod lamang sa itinatakda ng Building Code ang mga ipinatayong mga bahay ay kakayanin nito kahit ang Intensity 8 subalit nakalulungkot na maraming bahay kahit bagong gawa pa lamang ang nasisira sa lindol gaya ng nangyari sa 3 magkakasunod na pagyanig sa Mindanao na 36,000 structures ang nasira.
“Many residents cannot afford to pay engineers to ensure that their homes follow the Building code. Baka naman puwede na ang local government pati mga professional engineering society at DPWH, gumawa ng mga disenyo ng mga ordinaryong bahay na mapagpipilian ng ating mga kababayan, na may kasamang listahan ng mga materyales. Para sa mga di maka-afford ng engineers, gagayahin na lang nila iyong design na iyon at masgurado po tayong magiging mas matibay,” paliwanag ni Solidum.
Hindi umano maiiwasan ang lindol kaya para mabawasan ang pagkasira ng mga bahay ay dapat na gawin itong matibay at malaki ang maitutulong ng gobyerno para maisagawa ito.
Kaugnay nito, muling inulit ng Phivolcs na walang nakaka-predict kung kailan at anong oras may magaganap na lindol.
Ang paglililinaw ay ginawa ng Phivolcs kasunud na rin ng naglalabasan sa social media na magaganap na ang pinangangambahang The Big One kasunod ng nangyaring magkakasunud na lindol sa Mindanao.
351