(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
TULUYAN nang binasag ni suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. ang pananahimik matapos di umano siyang busalan ng Senado sa pagdinig kaugnay ng pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Sa isang online press conference, hayagang sinabi ni Teves na hindi pwedeng hindi siya babalik sa Pilipinas.
Gayunpaman, kailangan muna aniyang tiyakin na wala na ang maliwanag na banta sa kanyang buhay. Katunayan aniya, patuloy ang kanyang pakikipag-ugnayan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para igiit ang kanyang karapatan.
Teves, Terorista?
Tinawanan lang din ni Teves ang anya’y mala-peryang paandar ni Justice Sec. Crispin Remulla hinggil sa planong ipasok siya sa hanay ng mga terorista sa bisa ng umiiral na Anti-Terror Law.
Para kay Teves, katawa-tawa ang ginagawa ni Remulla sa hangaring idiin siya at ang kanyang pamilya sa Degamo slay.
“Unang-una, pakiramdam ko nakakatawa na. Nagiging perya na ang isyu… it’s becoming to be a circus, ‘di ba? Paano ka magiging terorista, kung hindi ka pa nga nakakasuhan,” ani Teves.
“Sabay paano kang magiging mastermind in the first place, wala man lang sila.. there’s nothing,” dagdag pa niya.
Nakaambang Foul Play
Sinagot din ng kongresista ang paulit-ulit na tanong sa kanya ng DOJ kung bakit ayaw niyang umuwi sa bansa.
“Ang kinatatakutan ko, is the foul play, at kinakabahan rin ako nung sinabi ni Presidente (Marcos) na ang puno’t dulo nito ay Degamo case,” ayon pa sa mambabatas.
Paniwala ni Teves, posibleng hindi nakarating ang mensaheng ipinadala niya sa Pangulo noong Disyembre ng nakaraang taon at Enero ng kasalukuyang taon.
“Baka hindi lang nakarating sa kanya (Marcos)ang mensaheng pinarating ko sa Palasyo hinggil sa operation laban sa akin – na yung bahay ko ay ipare-raid ang bahay ko at tataniman kung walang laman.”
Nasa South Korea?
Samantala, nanatiling tikom ang bibig ni Teves kaugnay ng pahayag ni Senate Majority Leader Sen. Joel Villanueva hinggil sa di umano’y panunuluyan niya sa isang hotel sa South Korea.
“Yung sa South Korea, ah, no comment na lang. It’s for me to know and for them to find out,” ani Teves nang tanungin hinggil sa pagsisiwalat ni Villanueva.
Ayon kay Villanueva, nakatanggap siya ng impormasyon kung saan naglulungga ang kongresistang pinaratangan utak sa kabi-kabilang patayan sa lalawigan ng Negros Oriental.
Partikular na tinukoy ni Villanueva ang Lotte Hotel kung saan di umano siya nakita ng mga kaibigan niyang nagtungo sa naturang bansa para magbakasyon.
Bago pa man nakatanggap ng impormasyon si Villanueva sa kinaroroonan ni Teves, lumutang din ang balita na nasa Cambodia ang suspendidong kongresista.
Pinag-iinitan Lang
Pakiramdam ni Teves, sadyang pinag-iinitan lang siya ng ilang itinalaga ng Pangulo sa pwesto.
Bukod aniya sa kanya, maging si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gen. Gerald Bantag ay dumaranas ng kanyang pinagdaanang hirap na dulot ng mga aniya’y nagbibida-bidahan sa administrasyon.
“Bakit yung kay Percy Lapid grabe rin ang imbestigasyon? Bakit? Dahil ba si Bantag ang gusto niyang ituro para sumikat kayo? Bakit ganun? Di ba dapat ang batas pantay para sa lahat, dapat ang imbestigasyon ay para sa lahat, pantay din,” aniya pa.
Hindi man hayagan, pinatutungkulan ni Teves si Remulla na makailang ulit na naglabas ng aniya’y iresponsableng pahayag na hindi inaasahang maririnig sa bibig ng isang abogado.
Imbitadong Hindi Pinadalo
Paglilinaw ng suspendidong Kinatawan sa Kamara ng Negros Oriental, hindi siya lumapit sa Senado – bagkus, siya ang inanyayahan lumahok sa isinasagawang Senate inquiry kaugnay ng Degamo slay.
Hindi naman tinukoy ni Teves kung sino sa 24 na senador ang nag-imbita sa kanya para dumalo sa pagdinig via video teleconference.
Nang tanungin kung may kumpyansa pa siya sa hudikatura, sinabi naman ni Teves na hindi muna siya umaasang magkakaroon ng fair trial hangga’t nasa pwesto ang mga personalidad na nagdidiin sa kanya.
271