TEXT SCAMS PERSONALIZED NA

MULING ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa telecommunications companies na magpalabas ng babala sa publiko laban sa scam text messages.

Sa pagkakataon ngayon, ayon sa NTC ay naglalaman na ng pangalan ng subscribers ang mga ipinadadalang mensahe ng scammers.

Sa isang memorandum, may petsang Agosto 26, inatasan ng NTC ang mobile network service providers na DITO Telecommunity, Globe Telecom, at Smart Communications na mag-text blast sa kanilang subscribers mula Miyerkoles, Agosto 31 hanggang Setyembre 6, 2022 ng sumusunod na mensahe:

“BABALA. HUWAG PONG MANIWALA SA TEXT NA NAGLALAMAN NG INYONG PANGALAN NA NAG-AALOK NG TRABAHO, PABUYA O PERA. ITO PO AY ISANG SCAM.”

Nagpalabas ang NTC ng kahalintulad na kautusan noong Mayo, Hunyo at Hulyo.

Sa pagpapalabas ng pinakabagong kautusan, sinabi ng telecommunications regulator na “the proliferation of fake job text, lucky winner, and similar money scams targeting the general public has persisted over the month of August across telecommunications networks in the country with the latest including the name of the recipient.”

Muli ring pinaalalahanan ng mga awtoridad at eksperto ang publiko na huwag mag-overshare ng personal information sa online at maging maingat sa pagsagot sa scam texts dahil ang personal information ng subscribers ay nakararating sa scammers sa pamamagitan ng data breaches na nabibili sa dark web.

Inatasan din ng NTC ang telcos na pabilisin ang proseso ng pagba-block ng SIM cards na ginagamit upang maipagpatuloy ang panloloko at mapahusay pa ang pagme-mensahe ng kani-kanilang public information campaigns kontra sa bagong variants ng text scams.

Ang Telcos ay binigyan ng hanggang Setyembre 9 para magsumite ng kanilang written reports sa kanilang pagsunod sa NTC.

Samantala, ipinag-utos naman ng telecommunications regulator sa kanilang regional directors at officers-in-charge na magpakita sa local radio at television stations sa kani-kanilang hurisdiksyon ng babala sa publiko laban sa nagpapatuloy na text scams mula Agosto 31 hanggang Setyembre 6 at ipagpatuloy ang kani-kanilang local public information campaigns para turuan ang publiko hinggil dito.

Mayroon naman hanggang Setyembre 9 ang regional directors at officers-in-charge para magsumite ng kanilang “compliance reports.” (CHRISTIAN DALE)

Related posts

Leave a Comment