TIGIL PASADA TULOY NGAYONG LUNES

ITUTULOY ng grupong Manibela ang nationwide transport strike o tigil pasada ngayong araw para iprotesta ang umano’y katiwalian sa pag-apruba ng prangkisa para sa public utility vehicles (PUVs).

Kahapon nagpahayag ng kumpiyansa ang grupo na kaya nilang paralisahin ang walumpung porsyento ng transportasyon sa Metro Manila.

Ayon kay Manibela President Mar Valbuena, mula sa 700 na ruta nila sa Metro Manila, 600 umano rito ang walang papasadang pampublikong sasakyan.

Aniya, gabi pa lang ng Linggo ay mararamdaman na ang kawalan ng mga pampasaherong jeepney.

Base sa plano, sisimulan ng grupo ang tigil pasada sa UP-Philcoa, kung saan magkakaroon ng caravan patungong LTFRB.

Ang iba namang makikilahok sa norte at katimugang Luzon ay magtitipon-tipon sa Mendiola.

Papalibutan umano nila ng isang libong sasakyan ang Malacañang.

Hindi naman sasama sa protesta ang pitong transport groups.

Samantala, minaliit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagkilos ng Manibela.

“Kung lahat ng kumakahol na aso ay titigilan, hindi tayo makakausad,” ani DILG Secretary Benhur Abalos kasabay ng pagtiyak na hindi mapaparalisa ang transportasyon ngayong araw.
Aniya, 95% percent ng transport groups ay bibiyahe ngayong Lunes.

Sa ginanap na pakikipagpulong ng kalihim sa transport groups na tinaguriang Magnificent 7, kasama ang UV Express Group na ” Mighty One”, nanindigan ang mga ito na hindi sila sasama sa tigil pasada.

“Ang ating mahal na Pangulo (Pres. Ferdinand Marcos, Jr.) ay masaya po sa ating partnership na ito dahil marami tayong napag-usapan at nakikita natin ang importansya ng dayalogo.”

(JESSE KABEL RUIZ)

340

Related posts

Leave a Comment