Tinatamaan ng COVID-19 patuloy sa pagdami HEALTH WORKERS SA CEBU, DINAGDAGAN

TINUTUTUKAN ngayon ng National Task Force against coronavirus ang lungsod ng Cebu na itinuturing nang coronavirus epicenter bunsod ng mabilis na paglobo ng bilang ng COVID-19 cases.

Ito ang isa sa mga dahilan ni National Action Plan (NAP) against COVID-19 Chief Implementer Carlito G. Galvez, Jr., para magpadala pa ng dagdag na medical personnel sa Cebu City.

Ayon kay Galvez, layunin nito na matulungan ang mga medical frontliner na matugunan ang tumataas na kaso ng COVID-19 sa Cebu City na kinailangang ibalik sa enhanced community quarantine.

Bukod dito ay nagdagdag din ang pamahalaan ng mga nurse sa nasabing lungsod.

“Nagdadagdag na rin ng rooms ang apat na malalaking hospital sa Cebu para ma-accommodate natin ang mga pasyente at i-reduce ang waiting time para sa mga emergency rooms,” ani Sec. Galvez.

Kasabay ng pagde-deploy ng medical at health workers ay naghatid na rin ang NAP ng 25 high-flow nasal cannula non-invasive ventilators, 42,000 Personal Protective Equipment (PPEs), at 16,000 face masks para sa frontliners sa Cebu City.

“I encouraged the LGUs (local government units), doctors, health workers and stakeholders to come together, unite and pool our energies and resources to solve the health and economic issues in this locality,” panawagan pa ng kalihim.

Nabatid na naalarma ang pamahalaan na naghahanda na sana sa pagpapaluwag ng mga pinaiiral na health protocols nang biglang lumobo ang COVID-19 cases sa Cebu City at maging sa siyudad ng Talisay na inilagay sa modified enhanced community quarantine.

Sa ngayon, nasa 19 critical zones ang tinututukan sa Cebu City bukod pa sa siyudad ng Talisay dahil sa biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19. JESSE KABEL

120

Related posts

Leave a Comment