Tinatrabaho na sa Kongreso POGO I-BAN FOREVER

PINAG-AARALAN na sa mababang kapulungan ng Kongreso ang isang panukalang batas na magbabawal habambuhay sa operasyon ng mga offshore gaming tulad ng ginagawa ng mga Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) ngayon.

Sa House Bill (BH) 6700 na inakda ng mga miyembro ng minority bloc sa Kamara, kailangang magkaroon na anila ng batas para umalis na sa bansa at hindi na kailanman bumalik ang mga POGO operator sa anomang paraan.

Ayon sa grupo ng mga mambabatas na pinamumunuan ni House Minority leader Bienvenido Abante, walang kabutihang idinudulot ang POGO sa bansa na pawang pinatatakbo ng mga Chinese national dahil bukod sa dinadaya ng mga ito ang batas ng mga Filipino ay banta rin umano ang mga ito sa seguridad ng bansa.

“This is ironic, to say the least, because while online gambling is illegal in China, (which does not, generally believe in God, being a communist country), we made it legal through the operation of these POGOs,” ayon sa paliwanag ng mga mambabatas sa kanilang panukala.

Sa ilalim ng section 5 ng nasabing panukala, ipagbabawal ang anomang offshore gaming gamit ang mga makabagong teknolohiya sa bansa; pagtanggap ng taya mula sa ibang bansa at pagpanggap bilang service provider ng mga nasa likod ng pasugalang ito.

Ipagbabawal din ang pagtatayo ng POGO hubs sa buong bansa tulad ng ginagawa ngayon ng mga POGO operator at maging ang pagkakaroon ng gaming laboratory.

Hindi rin papayagan na magpasok ng anomang gaming paraphernalia para sa mga online gaming operation sa bansa at iba pang ilegal na aktibidad na may kinalaman sa pasugalan gamit ang internet.

Umapela ang nasabing grupo sa liderato ng Kamara na bigyang prayoridad ang nasabing panukala dahil ito lamang umano ang makapagpapalayas sa POGO operators sa bansa at matiyak na hindi na magkakaroon ng ganitong uri ng pasugalan sa hinaharap.

PNP SPECIAL TEAMS

Samantala, para matiyak na hindi lalabag ang mga manggagawa sa POGO sa pinaiiral na enhanced community quarantine protocols ay nagtatag ng special teams ang Philippine National Police.

Titiyakin ng PNP special teams na walang lalabag sa mga alituntuning inilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) partikular sa ECQ dahil sa COVID-19.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, may itinakdang guidelines ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Finance (DOF) para matiyak na susunod ang Pogos.

Kasunod nito ang babala na oras na hindi tumupad sa inilabas na guidelines ay hindi na hahayaan makapag-operate muli ang mga POGO.

Binalaan din ng kalihim na ipa-padlock ang tanggapan ng mga POGO na hindi susunod sa quarantine rules. BERNARD TAGUINOD, JESSE KABEL

79

Related posts

Leave a Comment